^

PSN Opinyon

‘Aliping natutong lumaban’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

MGA nakasampay na katawang walang ulo’t paa at binting wala namang katawan ang saksi sa umano’y pananakit na inabot ng isang Pinay sa bansang Dubai, United Arab Emirates (UAE).

Binubuksan ang mga pinto ng kabinet, sinusuksok siya sa loob saka daw ginugulpi. Kung saan-saan lalatay ang kamay ng amo… bahala na kung saan siya tamaan. “Tuwing mangangatwiran ako pinapuputok niya bibig ko. Kapag pumalag naman pinapatunog niya leeg ko,” pagsasalarawan ni ‘Bing’.

Maalalang unang inilapit ni Reynaldo  “Rey” Dominguez, 51 anyos ng Angono, Rizal ang pang-aabusong sinapit ng kinakasamang si Analee Allada o “Bing”, 44 taong gulang—Domestic Helper (DH) sa Dubai. Isinulat namin ang istorya ni Bing at amin itong pinamagatang “Hindi niyo kami alipin”.

Sa isang pagbabalik tanaw, ika-13 Enero 2013 umalis ng bansa itong si Bing. Maayos nung una ang pakikitungo sa kanya ng among babae ngunit pagtagal hindi na siya pinasahod nito mula buwan ng Hunyo nasabing taon.

Mula ng magsumbong si Bing kay Rey pinarating na ito ng kinakasama sa kanyang agency sa Pilipinas ang Sky Resources Exchange Corp. Isang taon na nagdaan wala pa rin umanong nagiging aksyon dito dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan nung ika-24 ng Hunyo 2014.

Itinampok namin si Rey sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

Bilang agarang aksyon kinapanayam namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) at agad namin ini-email kay Usec. ang mga impormasyon tungkol kay Bing.

Nakipag-ugnayan si Usec. kay Consul-General Frank Cimafranca ng Dubai, UAE. Mabilis ang naging aksyon ng ating embahada.

Hunyo 26, 2014 nakatanggap kami ng email galing sa Dubai-POLO at sinabing nakausap na nila si Monalisa Wadzil ng White Sea Pearl Manpower Agency, ahensya ni Bing sa Dubai at sinabing titignan ang kundisyon ng Pinay.

Dalawang araw makalipas, binalita sa’min na nasa Al Ain na si Bing, nasa pangangalaga ng White Sea Pearl. Sinabihan nila ang employer nito na ikansela na ang residence visa ng Pinay. Maliban pa rito binigay na din ang sahod ni Bing sa loob ng isang taon. Nagkakahalaga ito ng 12,000 Dirhams (P126,000)

Ika- 6 ng Hulyo 2014 ang tinakdang araw ng pag-alis ni Bing sa bansa ito’y via Singapore Airlines Flight SQ497. Darating siya sa Maynila kinabukasan.

Makalipas ang isang linggo masayang nagbalik sa amin si Rey sa pagkakataong ito magkasama na sila ni Bing.

Itinampok namin muli sa radyo si Rey at Bing. Kinwento sa’min ni Bing ang sinapit sa Dubai. Ani Bing, Ika-13 ng Enero 2013, ng lumabas siya ng bansa. Mag-asawang Arabo ang una niyang amo. May apat itong mga anak nasa edad 5-16 ng taong gulang. Ang mga pananakit umano ng mga alaga niya ang naging problema kaya’t tatlong buwan lang ang tiniis niya bumalik na siya sa ahensya.

Binigyan siya ng panibagong amo. Mag-asawang Arabo din na may edad na.

“Mabait naman ang mga amo ko kaso sampung anak nila ang alaga ko… ang usapan apat lang,” ani Bing.

Isang buwan lang tinagal ni Bing dito at hinanapan siya ulit ng panibagong amo. Kinilala niya ang among babae na si ‘Dima’ hiwalay umano sa asawa at may dalawang anak. Nasa edad 2 taon at 4 na taong gulang.

Maayos daw nung una ang pakikitungo ni Dima sa kanya, Kasama pa daw nila nun ang ina ni Dima sa iisang bahay. Nagbago lang lahat ng bumukod na sina Dima at mga bata nung buwan ng Nobyembre 2013. Umupa ito sa isang apartment sa Al Jami.

Napapalibutan daw ng mga Closed-circuit television (CCTV) ang apartment kaya’t bawat galaw ni Bing gwardyado sa CCTV.

Nagsimula na daw manakit si Dima. Nung una, simpleng pananapok lang hanggang sa binabato na siya nito ng bagong hubad niyang sapatos.

“Mamali ka ng sagot hampas ng sapatos ang abot. Pag may natitirang pagkain ang mga bata nagagalit din siya. Dumating sa puntong dinuduraan na niya ko,” ani Bing.

Nitong huli grabeng papanakit na ang inabot niya. Para daw ‘di makuhanan ng CCTV hininila daw siya nito sa loob ng banyo at dun pinagsa­sabunutan siya at pinag-uumpog umano ang ulo sa ‘tiles’, ayon sa Pinay.

Nung huli, binuksan nito ang pintuan ng mga kabinet at saka siya sinubsob dun at pinagkakalmot siya sa mukha sabay patunog daw ng kanyang leeg.

“Kapag sumasagot ako pinapuputok niya bibig ko…” sabi ni Bing.

Dahil sa matinding pang-aabusong naranasan umano ni Bing aminado siyang may pagkakataon nag-iiba na ang takbo ng kanyang utak at naiisip na gumanti sa amo. Dito na siya nagmakaawa kay Rey na tulungan siyang mapauwi.

“Daddy, tulungan mo ko dito. Baka makapatay na ako dito magdilim ang paningin ko,” sabi ni Bing.

Ito ang naging dahilan ng paglapit sa’min ni Rey. Kinabukasan, matapos naming ipagbigay alam ang problema ni Bing sa ating embahada sa Dubai tumawag agad sa kanyang amo ang taga embassy.

Tinawag ni Dima si Bing at sa huling pagkakataon pinagsasabunutan pa daw siya at sinapak. “You’re a big liar!” sabi daw nito.

Wala ng nagawa si Dima, apat na araw makalipas ibinalik na siya sa ahensya. Pagdating dun kinausap daw ang amo ng may-ari ng ahensya.

Parehong araw, ibinigay ni Dima ang Php126,000 kay Bing para sa isang taong sahod nitong ‘di niya naibigay.

“‘Di na siya umalma. Kaya nakauwi agad ako ika-7 ng Hulyo sa Pinas. Ako ang nagbayad ng ticket ko pabalik pero ayos na rin ang mahalaga ligtas akong nakauwi. Ang laki ng pasasalamat ko sa  tulong ninyo!” wika ni Bing.

Minsan pa kami nagpapasalamat sa DFA kay Usec. Seguis at kay Con. Gen.  Cimafranca  sa patuloy na pagtulong sa ating mga kababayang biktima ng pang-aabuso sa Dubai. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

PAGPAPALIWANAG:

Kami’y humihingi ng paumanhin dahil sa kwentong itinampok namin nung nakaraang Lunes. Hindi napansing nailagay sa bandang huli ang tungkol sa kaso ni Glenn Gundran na inaakusahan sa pagpatay kay Benigno Junio Sr. Frustrated Murder at Frustrated Homicide ang aming nailagay. Ang tama ay Homicide at Murder. Matapos ang isang linggo ng pamamalagi sa ospital siya’y namatay dahil sa tama ng bala sa likod. Frustrated Murder ang sinampang kaso sa kanya ngunit ibinaba ito ng tagausig sa Homicide.  –Chen Sarigumba

BING

DAW

DIMA

DUBAI

ISANG

KAY

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with