‘Kalbaryo ng mga taga-Lanao’ (Unang bahagi)
MATAGAL ng problema ang elektrisidad sa Mindanao. Kalbaryo ito sa mga residente doon. Naranasan natin ito sa Metro Manila noong kasagsagan ng bagyong Glenda. Nawalan lang tayo ng anim na oras na suplay ng kuryente, umatungal na agad ang marami.
Samantalang sa Mindanao, kabahagi na ng kanilang buhay ang araw-araw na anim hanggang sampung oras narotating brownout at ang patay-sinding ilaw hanggang sa nakasanayan na nila itong tanggapin.
Ang problema ng mga mamamayan sa Lanao del Sur, marami ang naputulan ng kuryente dahil sa laki ng utang sa Lanao Del Sur Cooperative (LASURECO). Iba’t ibang mga akusasyon ng mga pulitiko ang lumalabas laban sa nakaupong General Manager ng LASURECO na si Sultan Ashary Maongco. Mayroon umanong nangyayaring katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Pumunta doon ang BITAG at nakita namin ang kadiliman bago mag-Ramadan. May istorya pala sa likod nito. May halong pulitika, pero ang naiipit, ang maliliit na mamamayan ng Lanao. Ang sistema ng kuryente, “Pakyaw system.” Walang individual metering at ang bayad diretso sa mga lokal na pamahalaan.
May ibang mga taga-Lanao na kumu-kwestyon kung bakit malaki ang kanilang binabayaran gayung iilan lang naman ang kanilang mga kagamitan. May pananagutan ang mga lokal na pamahalaan dito dahil sila ang mga tumatayong garantor. Nagkaroon ng isyu hinggil dito sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at LASURECO. Hindi lahat ng munisipalidad sa Mindanao may elektrisidad. Mayroon ding ilan na wala talagang ilaw.
May mga media’ng nagamit din sa isyung ito. Subalit ang BITAG, tumatayo at naninindigan na ang problema, magiging mas masahol pa kung titingnan sa anggulo ng pulitika. Ang mga pobreng taga-Lanao ang maisasakripisyo na kung tutuusin, simple lang ang kanilang kagustuhan, ang magkaroon ng ilaw.
Hinambalos ng BITAG si Maongco base doon sa mga sumbong sa bidyong aming napanood kung saan siya ay inaawat sa kaniyang galit na emosyon. Subalit, iyon ay epekto lamang pala ng problema. Dahil ang totoong ugat ay pulitika. Binigyan ng BITAG ng pagkakataon si Maongco na humarap sa BITAG Live para linawin at kunin ang kaniyang panig sa isyu ng LASURECO. Dumating siya sa aking programa nitong mga nakaraang linggo.
Sa problemang ito, layunin ng BITAG na hindi guluhin at hindi hatiin ang Lanao kundi ipagkaisa sila sa usapin ng suplay ng kuryente sa kanilang lalawigan.
May karugtong…
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest