Gantihan?
MATAPOS igisa si Budget Secretary Butch Abad sa Senado kaugnay ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP), Si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Serreno naman ang iimbitahan sa imbestigasyon sa Kamara de Representante.
Ito’y kaugnay ng pagbusisi sa Judicial Development Fund (JDF). Giit kasi ng administrasyon, kung unconstitutional ang DAP, dapat ganun din ang JDF. Kaya bulalas ng barbero kong si Mang Gustin: talaga yatang totohanan na ang bangayan ng dalawang sangay ng ating pamahalaan. Parang bakbakan ng DAP versus JDF.
Malamang isipin ng taumbayan na ang pagpapatawag kay Serreno sa Mababang Kapulungan ay “resbak” o ganti ng administrasyon sa pagbasura ng SC sa DAP.
Hindi naman “nangamote” si Abad sa Senado dahil maraming Senador na halos isubo na lang sa kanya ang sasabihin, maliban kay Sen. Nancy Binay na talagang gumawa ng homework at may mga hawak na dokumento at hindi nakasagot ng matino si Abad. Ngunit ramdam ko na iiling-iling lang ang mga kababayan natin habang nakikinig sa paliwanag ni Abad.
Ano kaya ang mangyayari kapag si CJ Serreno ang haharap sa mga Kongresista na pulos nasa panig ng administrasyon? Ngunit ayon kay Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., chairman ng House Committee on Justice, hindi sapilitan ang pagdalo ni Serreno kundi imbitasyon lang. Puwede raw itong magpadala ng representante. Representante o si Serreno mismo, pareho lang iyan. Korte Suprema pa rin ang gigisahin.
Idaraos ng Kamara ang pagsisiyasat sa JDF matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Aquino sa Lunes.
Layunin umano ng hearing na ito na alamin kung papaano nagastos at saan napupunta ang pondo ng JDF salig sa dalawang panukala na nagpapawalang-bisa sa Presidential Decree 1949 na lumikha ng JDF.
Okay ang layuning iyan para kuwentas klaras. Karapatan ng taumbayan na malaman ang pinatunguhan ng kanilang salapi.
Pero hindi pa rin nalilinaw nang isandaang porsyento ng administrasyon ang detalyadong paggamit ng pondo ng DAP. Ito ang bagay na inusisa ni Binay at nagkanda-ubo si Sec. Abad sa pagsagot.
- Latest