EDITORYAL - Hindi pa nasusubukan sususpendehin na
MARAMING nalalaman si Sen. Antonio Trillanes IV at habang papalapit ang 2016 elections ay marami pang ideyang bumubukal sa kanyang malikhaing pag-iisip. Pero hindi lahat nang kanyang ideya ay katanggap-tanggap sapagkat kung alin ang nakaporma na at gumagalaw na, iyon naman ang kanyang gustong yugyugin.
Gaya nang K to 12 program ng Department of Education (DepEd) na inumpisahan ngayong school year. Panukala ni Trillanes, suspendehin ang programang ito sapagkat maraming problemang kinakaharap. Hindi raw ito uubra sapagkat hindi handa ang pamahalaan sa programang ito. Unahin daw muna ang mga pangunahing problema sa sektor ng edukasyon bago itong K to 12. Ilan sa mga binanggit ni Trillanes ay ang problema sa kakapusan ng mga classroom, kakulangan sa mga guro, at ang mababang sahod ng mga guro. Sabi ni Trillanes, nagkaroon daw siya ng konsultasyon sa mga nagpanukala ng K to 12 program at nakita niyang walang kahandaan dito ang kasalukuyang pamahalaan. Kaya ang suhestiyon niya ay suspendehin habang maaga pa ang programa at pagtuunan muna ang mga problema ng education sector. Malaking problema rin aniya ang kahahara-ping retrenchment ng 85,000 college professors at employees sa 2016 kapag hindi sinuspende ang K to 12.
Ang mga sinabi ni Trillanes na problema ay noon pa nararanasan ng DepEd. At lumipas na ang maraming taon ay ito pa rin ang problema. Kung talagang mayroong pagmamalasakit ang senador ay dapat noon pa siya nagpanukala na resolbahin ang kakulangan sa classrooms at mga guro at ganundin ang maliit na sahod ng mga ito. At nang pinuporma na ang K to 12 noong 2011, sana ay nagkaroon na siya nang vision ukol dito at agaran niyang tinutulan ito. Hindi ngayon na nakakasa na at unti-unti nang gumagalaw ang programa. Masisira ang plano kapag sinuspende.
Ang K to 12 ay isinulong ni DepEd secretary Armin Luistro, para magkaroon ng bagong sistema sa edukasyon. Nilagdaan ni President Aquino ang batas ukol dito noong Mayo 15, 2013 na nag-aatas na ang mga Pilipinong mag-aaral ay nararapat dumaan sa kindergarten, anim na taon sa elementarya, apat na taon sa junior high school at dalawang taon sa senior high school.
Ituloy ang programang ito para magkaroon ng pagbabago sa edukasyon.
- Latest