EDITORYAL - Huwag nang manigarilyo
NILAGDAAN na ni President Noynoy Aquino ang Republic Act No. 10643 na nag-uutos lagyan ng graphic health warnings ang mga kaha ng sigarilyo. Kabilang sa mga ipi-print sa mga kaha ay ang mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo gaya ng cancer sa baga, lalamunan, bibig, pisngi, dila at ang sakit na emphysema, katarata at sakit sa puso. Bukod sa mga retrato ng sakit, obligado rin ang mga cigarette companies na ilagay ang mga mensahe na nagpapaalala na masama sa kalusugan ang paninigarilyo. Sa kasalukuyan, maliit na mensahe lamang ang nakalagay sa bawat kaha ng sigarilyo na halos hindi mabasa. Layunin ng paglalagay ng mga retrato ng sakit sa mga kaha na mapigilan ang mga naninigarilyo at mga nagbabalak pa lamang. Inaasahang marami ang magdadalawang-isip na manigarilyo kapag nakita ang mga retrato ng sakit.
Sa Southeast Asia, tanging ang Pilipinas na lamang ang walang graphic warning sa kaha ng sigarilyo. Sa ginawang pag-aaral, maraming tumigil sa paninigarilyo nang makita ang nakaririmarim na sakit na nakalarawan sa kaha ng yosi. Nabawasan ang bilang ng mga nagyoyosi sa Thailand, Australia at Canada makaraang ilagay ang mga larawan ng sakit sa kaha ng yosi.
Ayon sa Department of Health (DOH), 87,600 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Nasa panganib din umano ang mga taong laging nakakalanghap ng usok ng sigarilyo na magkasakit sa baga. Ayon pa sa DOH, malaki ang nawawala sa pamahalaan sa mga maysakit na nakaratay sa government hospital. Umano’y umaabot sa P188 billion ang ginagastos ng gobyerno.
Pabata nang pabata ang mga naninigarilyo at wala nang silbi ang batas na nagbabawal magbenta ng sigarilyo sa mga menor-de-edad. Kahit saan ay puwede nang makabili ng sigarilyo kaya naman marami ang naaadik sa bisyo.
Dini-discourage ni P-Noy na manigarilyo ang mga Pilipino kaya niya nilagdaan ang RA 10643. Mas maganda sana kung mapag-aaralan na rin niyang talikuran ang paninigarilyo. Mas epektibo kung siya mismo ay makikita nang nakararami na hindi na maninigarilyo. Para na rin sa kanyang kalusugan.
- Latest