EDITORYAL- Total ban sa paggamit ng plastic bags
HINDI pa rin lubusang ipinagbabawal ang paggamit ng supot na plastic sa Metro Manila. May mga bayan at lungsod pa ring nagbebenta ng supot na plastic sa mga parukyano. Halimbawa ay ang Maynila na hanggang ngayon, gumagamit pa rin ng supot na plastic, dahilan para hindi maubos ang mga basurang nasa estero at iba pang daluyan ng tubig.
Nang manalasa si Glenda noong nakaraang Miyerkules, sandamukal na basurang plastic ang iniluwa ng Manila Bay. Hindi maikakaila ang mga basurang itinapon sa mga ilog, estero at kanal na humantong naman sa dagat. Pero gaya ng kasabihang “ang basurang itinapon mo ay babalik din sa iyo’, namulaklak na naman sa basura ang dalampasigan ng Manila Bay. Pawang plastic bags na iba’t iba ang kulay ang nakita sa kahabaan ng dalampasigan. Bukod sa plastic bags, nakita rin ang mga sirang plastic na silya at planggana, plastic bottle ng softdrink, sachet ng shampoo, coffee at marami pang iba na pawang hindi natutunaw. Marami ring putol na kahoy at mga puno ng saging ang nakahalo sa mga basurang plastic.
Walang pagkakaiba ang mga nakuhang basura sa mga nakaraan. Pawang plastic na itinapon ng mamamayang walang disiplina. Sa kabila na marami nang bayan at lungsod ang nagbawal sa paggamit ng plastic bags, marami pa rin ang hindi sumusunod. Patuloy pa rin ang pagsalaula sa kalikasan. Wala pa ring leksiyon na nakuha sa mga nakaraang pagbaha na ang tinuturong dahilan ay ang mga basurang plastic na nagpapabara sa mga daluyan ng tubig. Wala pa ring aral na nakuha kahit maraming pininsala ang Ondoy noong 2009 at ang habagat noong 2012 na nagpalubog sa Metro Manila. Ayon sa pag-aaral ang mga basurang plastic na nakabara sa mga drainage ang dahilan kaya may mga pagbaha. Kaunting ulan lang ay baha na agad sapagkat ang mga plastic na hindi nabubulok ang nakasiksik sa mga daluyan ng tubig. Magkaroon na sana ng disiplina ang mamamayan sa pagtatapon ng basura para maiwasan ang pagbaha. Ipatupad naman ang total ban sa paggamit ng plastic sa buong Metro Manila.
- Latest