Sigurado walang hustisya
HINDI pa inaamin ng mga rebeldeng kaalyado ng Russia sa Ukraine, pero unti-unting nagiging malinaw na sila ang nagpabagsak ng Malaysian Airlines MH 17. Tinutulungan ng Russia ang mga rebelde para maging independente ang bahaging iyon ng Ukraine. Binibigyan ng Russia ng mga sandata ang mga rebelde para labanan ang militar ng Ukraine. Binigyan sila ng mga sandata para mapabagsak ang mga eroplanong militar ng Ukraine. Ang mahirap ay nakalimutan yata ng Russia na bigyan ng utak ang mga rebelde, para alamin kung anong eroplano ang pababagsakin.
May mga lumalabas na pag-uusap ng mga rebelde at kanilang mga opisyal kung saan inamin nila na may pinabagsak silang sibilyan na eroplano. Bumagsak ang MH 17 sa lugar na kontrolado ng mga rebelde, at may mga ulat na hawak na nila ang dalawang “black boxes” ng eroplano na malaki ang maitutulong sa imbistigasyon sa insidente. Guwardiyado na ng mga armadong rebelde ang lugar ng pinagbagsakan ng MH 17, may lasing pa nga raw, kaya hindi malapitan basta-basta ng mga imbestigador. Nagkalat ang mga katawan ng mga biktima sa lugar, kaya gusto sigurong linisin na muna ang lugar bago payagan ang mag-iimbestiga.
Nakikita ko na walang mangyayari rito. Sa mada-ling salita, walang pakialam ang mga rebelde, pati ang Russia kung nakapatay sila ng halos 300 sibilyan na wala namang kinalaman sa kasalukuyang gulo sa Ukraine. Wala ring pakialam kung magalit ang mundo sa kanila. Hindi na bago ang ganitong sitwasyon. Noong pinabagsak ng Russia ang Korean Airlines flight 007, sinabi lang nila na ang kanilang paniwala ay ginawang militar na eroplano para mag-ispiya ang commercial airline, kaya nila pinabagsak. Ganun lang. Sigurado may handa na silang paliwanag kung bakit pinabagsak ang MH 17. Sigurado maghuhugas ng kamay ng dugo ng halos 300 tao, kasama ang Pilipinang ina at dalawang anak. Ganito ang pagkaarogante ng bansang may malaking militar. Walang pinagkaiba sa China.
Napakakawawa ng mga pasahero ng MH 17, pati mga kapamilyang nagdudusa at naghihinagpis na ngayon. Anong hustisya ang mabibigay sa kanila, kung mga rebelde at Russia ang tila may kasalanan? Wala nang lumilipad na eroplano sa lugar ng Ukraine. Dapat lang. Kung gusto nilang magpatayan, sila na lang. Huwag na silang magdamay ng mga sibilyan na namumuhay nang mapayapa.
- Latest