Editoryal - Malabo pa rin sa masang Pinoy
“Mabuti ang DAP. Tama ang intensyon. Tama ang pamamaraan. Tama ang resulta,” ito ang sabi ni President Noynoy Aquino sa 23 minutong talumpati niya sa telebisyon noong Lunes ng gabi.
Ang mga katagang ito ay hindi nakasiya sa maraming Pinoy lalo na sa mga mahihirap na ngayon ay patuloy na nakakaranas ng pagdarahop. Paano naging mabuti ang DAP? Ano ba ang intensiyon ng DAP? Ano ang pamamaraan ng DAP? At ano ang naging resulta ng DAP?
Walang malinaw na sinabi rito ang Presidente kaya naman natapos at natapos ang kanyang talumpati ay naiwang nakanganga ang masang Pilipino. Walang naiwang kintal sa kanilang isipan ang mga sinabi ng Presidente. Kaya naman nang magkaroon ng pag-interbyu ang isang TV program sa mga taong nakapanood sa pagsasalita ng Presidente, iisa ang kanilang sinabi “wala silang naintindihan sa DAP!”.
Hindi na nakapagtataka sapagkat ang gusto sanang marinig ng mamamayan ay kung saan talaga napunta ang pondo ng DAP at mayroon bang magandang kinauwian ang pondo. Gusto ring marinig kung magkano ba talaga ang pondo ng DAP at kung magkano na ang nagastos ukol dito. Nakadagdag sa agam-agam ng mamamayan na ang bahagi ng pondo ng DAP ay ipinamudmod sa mga senador ilang buwan makaraan ang pagpapatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. May katotohanan ba ito? Sagutin sana ang mga katanungang ito. Isa pang katanu-ngan ay kung nakinabang din ba ang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles sa DAP?
Sabi pa ng Presidente, marami raw nakinabang na tao sa DAP sa pamamagitan ng construction ng inprastruktura at pagpondo sa mga mahahalagang programa ng pamahalaan. Pero gaya ng isang sagot ng mga nainterbyu kung mayroong pagbabagong nangyari sa kanilang buhay, wala raw. Mahirap pa rin ang buhay at idinagdag pa ang pagtaas ng presyo ng bigas. Wala pa ring ipinagbago at lalo pa silang nalubog sa kahirapan.
Malabo sa masang Pinoy ang DAP. Hindi pa rin maunawaan kahit na nagsalita na ang Presidente. Magiging malinaw marahil ang isyung ito kung iisa-isahin ang kinapuntahan ng pondo at hindi nabahiran ng katiwalian.
- Latest