^

PSN Opinyon

‘Mga bola at bala’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

DUGUANG bangkay sa kaliwa… butas-butas na katawan sa ka­nan.

Ganito naabutan ni ‘Lala’ ang dalawang lalaking mahal sa buhay.

“Sa loob ng sidecar ng traysikel nakahandusay ang katawan ng kapatid ko. Paglingon ko… sa loob ng bilyaran bangkay ng asawa ko ang nakatiwangwang,” pagsasalarawan ni Lala.

Nagsadya sa aming tanggapan si Anamarie Maquiling o “Lala”, 29 anyos ng Cainta Rizal.

Tubong Floodway si Lala. Taong 2003 sa edad na 18 anyos naging karelasyon niya ang noo’y 16 taong gulang na Eduardo “Edward” Dela Cruz alyas “Kulit” taga Floodway rin.

Taong 2004, nagsama na sila at tumuloy sa bahay ng ina ni Kulit na si Lizel.

Nagkaroon sila ng dalawang anak. Taga tulak ng mga traysikel sa toda (dispatcher) ang naging trabaho ni Kulit sa Fer Toda, Floodway.

“Maliit man ang kita ng asawa ko masipag si Kulit,” sabi ng misis.

Aminado si Lala na mahilig sa pustahan ang asawa. Sa basketball at bilyar.         

“Basta may laban kahit sa’min o dayo may pusta siya,” ani Lala.

Buwan ng Setyembre 2013, nagbukas ng bilyaran sa Blk. 13. Pagmamay-ari ito ni Jose Villocillo alyas Jojo Bungaw---taga Blk. 15, Floodway, negos­yate may videoke bar at tindahan ng tsinelas sa kanilang lugar.

Ika-7 ng Setyembre 2013, 7:30PM umalis ng bahay si Kulit para magtulak na ng mga traysikel.

“Nagkatampuhan kami nung araw na yun kaya tanghali pa lang ‘di na kami nagpansinan,” sabi ni Lala.

Kinabukasan… bandang 7:00 ng umaga, may narinig si Lala na malakas na magkakasunod na putok ng baril. Ilang sandali malalakas na kalabog sa pintuan ng kanyang biyenan ang sumunod niyang narinig.

“Ang anak mo binaril sa bilyaran!” sigaw ng kapitbahay.

Hindi malaman ni Lala ang gagawin. Tatlong beses siyang umakyat-panaog sa hagdanan papuntang bilyaran.

Paglapit niya agad niyang napansin ang kapatid na si Allan Maquiling, 25 anyos, pintor sa Mega World na nasa loob ng nakaparadang traysikel sa bilyaran. Duguan na si Allan, tirik ang mga mata’t naghihingalo.

Paglingon ni Lala, nakita naman niya sa loob ng bilyaran ang nakabulagtang katawan ni Kulit. Nakatagilid pakanan, naliligo sa sariling dugo. May butas sa leeg at kaliwang bahagi ng baba ng tenga.

Hindi malaman ni Lala kung sinong unang sasaklolohan. Nagharang siya ng traysikel para madalas sa ospital ang asawa. Pag-akyat niya sa bilyaran wala na ang kapatid niya. Pinuntahan niya si Kulit, tinihaya niya ang katawan ng mister.

Wasak ang kanang pisngi dahil sa tumagos na bala ang gumulantang sa misis.

“Niyuyugyog ko siya pero hindi na siya gumagalaw,” sabi ni Lala.

Patay agad si Kulit dahil sa tama ng ‘double action’ na bala ng baril. Rumisponde ang Pulis-Antipolo at SOCO.

Ilang sandali pa, nakarating kay Lalang hindi na umabot ng buhay sa ospital ang kapatid (Dead On Arrival).

Nagkaroon ng imbestigasyon ang kaso at itinuturo ng mga nakakita umano ang may-ari ng bilyaran na si alyas Jojo Bungaw. Siya raw ang nambaril sa magbayaw.

Nagsampa ng kasong Double Murder  sina Lala laban kay Jojo Bungaw sa Prosecutor’s Office, Taytay Rizal.

Tumayong testigo sa kaso si Romnick Felipe, 21 anyos, kumpare nila Kulit at Allan.

Base sa salaysay na kanyang ibinigay kay PO3 Jeffrey Serzo Azueta sa Cainta Police Station, nung ika-8 ng Setyembre 2013 sa laro sa bilyaran daw nagsimula ang lahat:

Wala raw siyang ibang maaisip na dahilan kung bakit kailangang mamaril nitong si Jojo kundi sa dalawang naglalaro ng bilyar sina alyas “Allan” at alyas “Trouble”. Sinabihan daw kasi nitong si Jojo Bungaw si Trouble na si Allan dahil magaling itong maglaro. Sinita ng magbayaw si Jojo Bungaw na ‘wag makialam.

Nagkasagutan na silang dalawa. Nagpalitan ng ‘di magagandang salita hanggang iniutos ni Jojo Bungaw sa pamangkin niyang si alyas Jaco na iligpit na ang mga bola bilyaran.  Umalis na itong si Jojo Bungaw lulan ng kanyang motor.

Ilang minuto bumalik ito, ipinarada ang kanyang motor sa kabilang kalsada. Nang patawid na, sa gitna pa lang ng kalsada nagbunot na ito ng baril at pag­lapit niya kay Allan ay walang sabi-sabing ay pinaputukan niya ito kung saan nalaglag ito sa hagdan. Mahigit dalawang metro ang layo  nito ng mamaril.

“Napaatras kami ni Alias Allan at kasunod nun nakita naming na tinutukan naman ni Jojo Bungaw si Kulit na nun ay nasa likuran ni Alyas Trouble… maya-maya lang pinutukan na niya ito at nakita ko na lamang bumulagta si Eduard…” ---laman ng salaysay.

Tatlong beses daw pinaputukan si Kulit gamit ang 9mm na baril. Mabilis na tumakas si Jojo Bungaw sakay ng kanyang motor patungo sa direksyon ng Pasig.

Napag-alaman nila Lala na maliban sa sagutan, may kinalaman din sa kulang na taya ang naging ugat ng malagim na krimen na ito.  

Nagkaroon ng pagdinig ng kasong ito, Ika-17 ng Desyembre 2013, ibinaba ang ‘warrant of arrest’ laban kay Jose Villocillo alyas “Jojo Bungaw” para sa kasong Murder. Pirmado ni Judge Miguel Asuncion ng Branch 97, Antipolo City. NO BAIL RECOMMENDED.

Sa ngayon nagtatago pa rin itong si Jojo Bungaw kaya’t kahilingan nila Lala maisulat naming ang sinapit ng kanyanga asawa’t kapatid kasama ang larawan nitong ‘wanted’ na si alyas Jojo Bungaw. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa amin.

Itinampok namin si Lala sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ(Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi na bago ang sinapit ni Allan at Kulit, sa mga larong may perang pusta tulad ng bilyar.

Inabot ng magdamagan ang laban sa kagustuhan makabawi. Marami  talagang pikon kapag natalo. Kaya nga sugal dapat handa kang matalo at maaari ka namang manalo. Mahirap lang isiping dahil sa simpleng laro at pusta sa bilyaran na dapat sana’y masaya ay nauwi lahat sa brutal na pagpatay sa magbayaw.

Kami nanawagan kung sino mang nakakakilala o nakakaalam kung saan ang kinaroroonan nitong si  Jose Villocillo alyas “Jojo Bungaw” maaari lamang makipag-ugnayan sa mga numero sa ibaba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. I-follow kami sa, www.facebook.com/tonycalvento.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

vuukle comment

ALYAS

BILYARAN

BUNGAW

JOJO

JOJO BUNGAW

KULIT

LALA

NIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with