Depresyon, altapresyon, kaba, hika, edad…
TINATAMAAN daw nang matinding depresyon si dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo, habang arestado sa Veterans Memorial Hospital. Ilang buwan na lang at tatlong taon na rin siyang arestado habang humaharap sa mga kasong pandarambong noong siya’y Presidente. Sa Veterans siya naka hospital arrest dahil sa kanyang mga sakit at karamdaman na tila umusbong noong siya’y aarestuhin na. Ayon sa kanyang mga abogado, ang ma-tinding depresyon ay dumadagdag lamang sa kanyang mga sakit. Kaya hinihikayat ang korte na payagan siyang makalabas, kahit sandali lang. Gusto rin sanang dumalo sa anibersaryo ng kasal ni Bro. Mike Velarde. Wala pang desisyon ang korte dito.
Si Atty. Jessica Reyes ay tila apektado na rin sa kanyang maikling pagkakulong. Noong Miyerkules ng gabi, biglang tumaas ang kanyang blood pressure at inatake ng matinding kaba at hika. Dahil dito ay dinala na muna siya sa Taguig Pateros District Hospital. Dito na raw muna siya habang may karamdaman. Ang gusto sana ng kampo ni Reyes ay sa PNP Custodial center rin siya ikulong, tulad ng mga akusadong senador. Pero itinanggi ito ng Sandiganbayan at sa regular na kulungan daw dapat siya. Hindi naman siya senador, hindi ba? Siguro nang makita ang kanyang paglalagyan at kung sino ang makakasama ay inatake na.
Pati si Sen. Enrile ay gusto sa ospital na lang sana ilagay, dahil na rin sa kanyang edad at mga kundisyon. Pero hindi ba nakikita pa nating naglalaro ng kanyang iPad ang senador noong malaya pa? Mukhang biglang nagkasakit ano? Ganun nga siguro talaga kapag akusado ng korapsyon. Nagkakasakit, at ang ospital ang tanging makakaligtas sa kanila mula sa kulungan. Nakita nating ginawa iyan nila Jocjoc Bolante, Celso de los Angeles at marami pa. Ang korte pa rin ang may huling salita sa lahat ng kanilang hiling.
Hindi ko maiwasang ikumpara sila sa mga nahatulang kriminal sa New Bilibid Prison na tila nakakalabas ng kulungan kung kailan nila gusto. Mga nahatulang kriminal na ang mga ito, pero di hamak na mas maganda ng kanilang sitwasyon kumpara sa mga katulad ni Reyes. Nakakapunta pa sa ospital kung kailan nila gusto, at nadadalaw pa ng mga starlet, at nakakapag-transaksyon pa! Siguro kapag nahatulang may sala na ang lahat ng akusado sa PDAF, mas maluwag na ang kanilang buhay dahil malalagay na sa NBP. Baka makalabas na sila, makanood ng sine, makakain ng masarap at mag-shopping pa. Lima singko lang naman mga guwardiya sa NBP.
- Latest