‘Pilit tinatakpan ang sugat’ (Kaye trese update)
SA TUWING malalapit siya naaalala niya ang mahigpit nitong paghawak sa kanya. Kapag naririnig niya ang boses bumabalik sa kanya ang mga pagbabanta.
Umaga ng ika-13 ng Abril nung taong 2011…bigla na lang pumasok ang kanyang “Daddy” sa sariling kwarto. Trese anyos pa lang si Kaye (di tunay na pangalan) noon. Sapilitan siyang hinubaran ng shorts. Sa kagustuhang makatakbo sinubukan niyang manlaban at magsisigaw. Sa patuloy niyang pagpalag ipinulupot ng kanyang Daddy ang kumot sa kanyang bibig upang huwag siyang mag-ingay.
“Ibinaba niya ang shorts niya at ipinasok sa loob ko ang ari niya. Iyak ako ng iyak at sabi ko ‘wag pero patuloy pa rin siya,” wika ni Kaye.
Matapos ang ginawang panghahalay tinakot umano siya nito. Huwag siyang magsusumbong sa kanyang Mommy dahil baka ito magkasakit. Ito ang dahilan kung bakit matagal na sinarili ni Kaye ang ginawa sa kanya ng kanyang tiyuhin na si Glicerio Sevilla o ‘Daddy’ kung kanyang tawagin.
Kung inyong maaalala naitampok na namin sa aming pitak ang kwento ni Kaye.
Naapektuhan siya ng husto dahil sa nangyari. Dinala siya sa ‘Mental Help Hospital’ dahil sa depresyon.
Nang malaman ng tiyahin ni Kaye na si Carmen ang nangyari sa pamangkin ay napauwi siya sa Pilipinas. Natuklasan niya ang tunay na naging dahilan ng depresyon nito kaya’t nagsampa sila ng kasong Rape.
Matapos ang ilang buwan nagbigay ng kontra-salaysay noong ika-25 ng Marso 2014 si Glicerio tungkol sa mga naging paratang sa kanya.
Para sa patas na pamamahayag nais din naman naming ilahad ang kanyang panig. Itinatanggi niya ang lahat ng akusasyon laban sa kanya. Ito ay ginawa lang para sirain ang kanyang reputasyon. Isa siyang guro sa Mindoro.
Hindi raw totoo ang nakalagay sa salaysay ni Kaye na natatakot itong may mangyari sa kanyang asawang si Belen dahil wala raw itong sakit. May kasambahay din daw silang laging nandun kaya’t paano raw ito mangyayari.
Nasa Captain Lawrence A. Cooper Technical College daw siya sa Mindoro noong ika-13 ng Abril 2011.
“Saka lang ako umuwi sa bahay namin sa Quezon City pagkatapos ng graduation nung May 27, 2011 matapos ang graduation rites,” ayon kay Glicerio.
Kinukwestiyon din ni Glicerio ang panahon ng pagsasampa ng kaso dahil noong Oktubre 2012 umano ipinaalam sa kanyang asawa ang nangyari at naisampa lamang noong Setyembre 2013.
Ang mga sinabi raw ni Kaye sa kanyang salaysay ay bunga lamang daw ng kanyang imahinasyon.
“Tuwing bakasyon lagi kaming nagkikita at wala namang kakaibang nangyari sa ‘min. Masaya pa siya at pursigido siyang tapusin ang kanyang pag-aaral. Nagkausap kami at ikinuwento niya ang tungkol sa malapit na relasyon niya sa kanyang kaibigan,” salaysay ni Glicerio.
Wala rin daw kaugnayan ang resulta ng medico-legal examination result sa kaso. Maliban sa huli na ng magpatingin ito ay nagkaroon din umano si Kaye ng ‘sexual relationship’ sa nasabing kaibigan. Ang lacerations daw na nakita ay dahil sa ‘sexual act’ na ginawa nito at ng sinasabing kaibigan.
Depensa ni Carmen kung bakit huli nila naisampa ang kaso ay dahil hindi raw agad nagsumbong ang bata sa kanya.
“Si Kaye ang itinuring kong anak. Masakit para sa akin ang nangyari kaya’t gusto kong pagbayaran niya yan,” wika ni Carmen.
Nasa Kuwait pa lang daw siya nang malaman niyang dinala sa mental hospital si Kaye. Habang nagtatrabaho lagi itong iniisip ni Carmen. Hindi siya nakatiis umuwi siya ng Pilipinas para kausapin ang pamangkin.
Sumbong ni Kaye pinagtanggal daw sa kanya ni Glicerio ang sapatos nito tuwing uuwi. Kapag nauuna namang kumain si Kaye sinasabihan daw ito ng dapat nauuna ang haring kumain kaysa sa kanya.
“Galit na galit ako. Sa bahay ko siya nakatira kaya’t wala siyang karapatang tratuhin ng ganyan ang pamangkin ko. Pati ang bigas na kinakain niya galing sa palayan ko. Sa galit ko kinompronta ko ang Ate ko,” kwento ni Carmen.
May nakapagsabi rin sa kanya na nung nasa ospital si Kaye nagsisigaw ito na rapist daw ang tiyuhin niya.
Pinilit ni Carmen na magtapat sa kanya si Kaye. Iyak lang ito ng iyak. “Tita ayaw ko na ng gulo,” sagot nito.
“Kung hinalay ka niya lalaban ako hanggang patayan! Pagbabayaran niya ang ginawa niya sa ‘yo!” wika ni Carmen.
Kinausap ni Carmen ang kapatid na si Belen at pinapili ito. Mas ginusto nitong iwan ang asawa at damayan ang pamilya.
“Umuwi lang ako ulit dito para samahan ang pamangkin ko dahil kapag nakakausap ko siya talagang natatakot siyang makaharap ulit si Glicerio,” wika ni Carmen.
Nanginginig…umiiyak at hindi makatulog si Kaye tuwing makikita niya si Glicerio. Inaalala nila na baka dahil dito ay hindi na gumaling ang pamangkin. Nais nilang malaman kung maaaring hindi na ito dumalo sa mga pagdinig.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Kaye.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kasalukuyan nang ‘submitted for resolution’ ang kasong ito ni Kaye. Kung tutuusin puro pagkakaila lang ang nakalagay sa kontra-salaysay ni Glicerio at ito ay isang mahinang depensa. Mas mabigat ang mga pahayag ng isang menor-de-edad at positibong pagkilala sa taong umano’y humalay sa kanya.
Nagka-trauma si Kaye at pangalan ng tiyuhin niya ang paulit-ulit niyang isinisigaw at natatakot siyang makasama ito sa isang lugar ng nag-iisa. May malalim na dahilan ang lahat ng ito. Ito ang tanong na hinahanapan ng sagot ng taga-usig.
Kapag nakitaan ng ‘probable cause’ at malabasan ng warrant of arrest ang tiyuhin magsisimula ang paglilitis.
Ang hinihiling ng pamilya ni Kaye kung maaaring huwag na nila itong iharap sa pagdinig dahil sa kanyang kalagayan at di niya makayanan ang tensiyon sa loob ng isang korte (withstand the rigors of trial). Ito’y isang bagay na di maaaring mangyari dahil nakapaloob sa ating ‘judicial system’ na may karapatan ang akusado na harapin ang nag-aakusa sa kanya at tanungin kung ano ang basehan ng reklamo.
Kapag ganito ang sitwasyon na di kaya ng biktima na harapin ang isang paglilitis, maiisantabi muna ang kaso hanggang siya ay handa na para magbigay ng pahayag at sumailalim sa masusing pagtatanong ng depensa.
Hangga’t hindi sinasabi ng isang ‘social worker’ na inatasan ng korte na ok na si Kaye, ang kasong ito ay maaaring ipagliban at maisantabi (archive).
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest