Droga
NAKATUTUWA naman na mula noong Hunyo hanggang sa kasalukuyan sunod-sunod ang pagkalansag ng Phi-lippine National Police sa mga kilabot na drugs traffickers. Patunay lamang ito na hindi patulog-tulog ang PNP sa kangkungan kaya nalalambat nila ang mga salot sa admi-nistrasyon ni President Noynoy Aquino. Mukhang magandang resulta ito sa panawagan ni Department of Interior ang Local Government secretary Mar Roxas kay PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima, kasi nga habang tinutulugan ng kapulisan ang pangunahing problema ng bansa ay lalong tumataas ang kriminalidad. Ngunit kung tatanungin ang mga dismayadong pulis ng Manila Police District kulang pa umano ang pangil na pinaiiral dahil walang puknat ang pananalakay ng riding-in-tandem sa mamamayan.
At ang pangunahing ugat ng pamamaslang ay ang pagsa-shabu, dahil dito nagmumula ang kanilang tapang. Ma-ging umano mga husgado ay napasok na rin ng mga drug lord kung kaya madalas na naililigwak ang mga kasong isinasampa ng PNP. Justice Secretary Leila de Lima, pakiburiki mo nga ang reklamo ng mga pulis sa mga piskalya at regional trial court nang tuluyang magupo itong pamamayagpag ng mga drug dealer, pusher at user ng bansa. Idagdag pa rito ang sobrang maburiking requirement ng Philippine Drugs Enforcement Agency sa pagsagawa ng drugs operation ng mga local police. Ngunit nitong mga nagdaang buwan aba’y maging ako ang nagulat sa walang puknat na email ni SSupt. Wiben Mayor, spokeperson ni Purisima sa mga magagandang accomplishment ng PNP.
Noong Hunyo 19, na-buy bust ang isang Nasser P. Cudales sa loob ng Sea Girt KTV, Purok 24, Times Beach, Barangay 76A, Davao City kung saan nakunan ito ng isang caliber 38 at 17 grams of shabu na nakalagay sa limang sachets. Maging ang Russian national na si Victor Seraeevich Saminsky ay hindi nakalusot sa matalas at matatapang na Lapulapu City police. Noong Hunyo 30 nalambat ng magkasanib na puwersa ng PDEA Region 5 at Daet Minicipal Police Station ang kilabot na drug pusher ng Camarines sur na si Delia A. Magno na kung saan nakumpiska ang may 105 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P525,000.00. Hindi rin nakaligtas si Maximiano O. Rapisura nang madakma ng magkasanib na puwersa ng 1st Regional criminal Investigation at La Union Police Provincial Office na kung saan nakumpiska rito ang mga baril at di pa batid na halaga ng marijuana.
Sa Negros Oriental naman hindi nakapalag sina Wingberd Uy at Arnel Quinanola nang arrestuhin nang magkasanib na 7th Regional Criminal Investigation and Detection Unit at Sta Catalina Municipal Police Station na nakunan ng isang caliber 45 at 9MM na kung saan mahigit sa P500,000 na assorted drugs ang nakuha sa kanilang mga kamay. At nitong Hulyo 3 lamang nahuli ang isang nagngangalang Zandra C. Acero na kilalalang reyna ng droga sa Maasin, Southern Leyte. Ilan lamang iyan sa mga nai-email sa akin ni Ruben subalit kahit papaano’y kumikilos na ngayon ang PNP laban sa ipinagbabawal ng droga na kung dadagdagan pa ng sipag ni Roxas at Purisima, tiyak makakamit ng sambayanan ang matahimik na pamumuhay.
- Latest