Biktima ng walang basehang reklamo
HINDI kataka-taka na ang ating mga korte at ibang ahensiya ng gobyerno na humahawak ng kasong administratibo ay bugbog na sa kaliwa’t kanang reklamo at kaso na isinasampa ng kung sinu-sino lang na wala namang basehan. Madalas ay ang abogado pa ang sinisisi dahil sa gulong nangyari. Pero sa kasong ito mismong ang pobreng si Attorney ang naging biktima ng isang walang basehang reklamo.
Si Atty. Payo (hindi niya tunay na pangalan) ay isang abogadong humahawak ng mga kaso sa probinsiya. Isa sa kanyang mga kliyente si Cely, na maraming hawak at pag-aaring negosyo sa kanilang lugar. Maganda ang relasyon ng abogado at ng kanyang kliyente at tumagal pa nga ito sa loob ng 12 taon. Katunayan, pati ang kaso ng ibang kapamilya ni Cely ay hinawakan ni Atty. Payo. Iyon nga lang, naputol ang kanilang magandang relasyon nang magsampa ng kaso si Cely laban sa kanya, pinatatanggalan si Atty. Payo ng lisensiya dahil sa imoralidad at kilos na hindi nararapat sa isang abogado.
Ang reklamo ay nagmula sa isang insidente na nangyari may walong taon na ang nakararaan. Ayon kay Cely, bandang alas nuwebe ng gabi, habang nagliligpit na siya ng kanyang negosyo, biglang nasa harap na lang niya si Atty. Payo at tinangkang samantalahin ang kanyang pagkababae. Pinilit niyang lumaban pero wala rin siyang nagawa kaya napagtagumpayan ng walanghiyang abogado na abusuhin siya. Resulta nito ay nabuntis siya at nagkaroon ng isang anak na lalaki. Ayon din kay Cely, hindi niya nagawang sampahan ng kaso noon si Atty. Payo dahil tinakot siya nito. Isa pa, baka raw siya pa ang sampahan ng kasong criminal ng kanyang mister.
Upang patunayan ang ginawang imoralidad at ang panghahalay sa kanya na dahilan kung bakit nagsilang siya ng sanggol na lalaki, ginamit na testigo ni Cely ang isa sa kanyang mga maid para patunayan sa korte na si Atty. Payo ang ama.
Pinatunayan ng maid ang pagiging malapit ni Atty. Payo at ng bata, tulad ng paglalaro ng dalawa, pagbibigay ni Atty. Payo ng mga laruan at kung anu-anong regalo sa anak at nagpakita rin siya ng mga litrato ni Atty. Payo at ng bata kung saan magkamukha sila. Sapat na ba ito para sabihin na nagkasala at may ginawang imoralidad ang abogado?
HINDI. Hindi sapat ang ipinakita nina Cely na pagiging malapit ng abogado at bata dahil lang naglalaro sila o kaya ay nagbibigay siya ng laruan upang patunayan na mag-ama ang dalawa. Ganundin ang mga litratong ipinakita ay hindi sapat na ebidensiya. Wala naman sapat na batayan para sabihin na mag-ama sila dahil lang magkamukha sila. Hindi ito sapat para sabihin na ginahasa at napagsamantalahan ni Atty. Payo ang dangal at pagkatao ni Cely. Sa kabilang banda, ang bata na ipinanganak sa panahon na kasal si Cely sa kanyang asawa ay itinuturing na lehitimong anak nila maliban na lang kung mapatunayan na imposibleng magkaroon ng pagtatalik sa pagitan ng dalawa. Hindi nagawa ni Cely na baliktarin ang panuntunang ito ng korte (Tan vs. Trocio, 191 SCRA 764).
- Latest