DBM manhid sa hinaing ng mga beterano, biyuda
Parami nang parami ang lumiliham sa akin na mga reÂtiradong pulis at biyuda ng mga beteranong sundalo. Pareho ang hinaing nila: Ang tagal magbayad ng gobyerno ng utang na pensiyon sa kanila. Sa konting detalyes lang nagkakaiba ang sitwasyon nila.
Una, sa pulis: Bago magkaroon ng Philippine National Police, merong Philippine Constabulary-Integrated National Police. Ang INP ay mga pulis na ni-recruit sa kanya-kanyang bayan. Ipinaglaban ng mga retiradong INP sa korte, mula pa 2003, na itaas ang halaga ng pensiyon nila sa lebel ng sa PNP. Nanalo sila sa regional trial court at sa Korte Suprema (GR 169466) nu’ng 2007. Naglaan ang Kongreso nitong 2014 national budget ng P22.9 bilyon para sa lahat ng pensiyon, kasama ang differential ng INP retirees. Pero anang Dept. of Budget & Management walang pondo para sa kanila. Kasalanan daw lahat ng PNP dahil hindi sila isinama sa listahan ng kumukubra.
Sa mga biyuda at iba pang kaanak ng mga beterano: Kapag buhay na beterano, up-to-date ang bayad. Kapag yumao na ito, pahirapan nang makakolekta ng pensiyon ang biyuda o mga anak. Ito’y dahil masusi muna silang bineberipika ng Philippine Veterans Administration Office. Tapos, ibinibigay ito sa DBM para papondohan. Ilang taon nang pinondohan ang mga back collectibles ng mga biyuda’t kaanak. Pero hindi pa rin daw nire-release ng DBM dahil kailangan pa raw silang muling beripikahin kung totoong heirs ng beterano. Tapos, saka sila maghahanap ng pondo.
Ano ito? Nagsilbi na ang mga retiradong pulis at beteranong sundalo. Sinisingil na lang nila ang nararapat na kabayaran sa serbisyo. Tapos sasabihan silang wala pang pondo? Hindi kasi pork barrel, e.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected].
- Latest