^

PSN Opinyon

‘Dinukot o nagpadukot’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MAHIRAP ANG MAGHANAP NG TAO kapag ito’y itinago.

Higit na mas mahirap ang hanapin kung ang taong ito ay kusang nagtatago.

“Yung akusado hindi mahuli-huli kasi nasa pangangalaga ni Commander Bravo ng MILF,” mariing sabi ni Axie.

Ika-29 ng Hunyo 2013 nang magsadya si Norhata Dimakuta sa Central Colleges of the Philippines (CCP) upang hanapin ang anak na si Mohamad.

“Nagpunta ako sa Dean nila, pati sa mga kaklase niya nagtanong ako. May isang babae ang lumapit sa ‘kin,” kwento ni Norhata.

Isang Mariel Uy ang nag-abot ng cellphone sa kanya.

Nakausap niya dito si Mysle Martin na nagpakilalang nobya ni Mohamad at ibinalita sa kanya na may mga lalaking kumuha sa kanyang anak. Nanginginig daw ang boses nito habang kausap niya.

“Pinapunta ako ni Mysle sa bahay nila at ikukwento niya raw ang buong pangyayari,” salaysay ni Norhata.

Ipinaalam din sa kanya ni Mysle na nagpa-blotter na ito sa Philippine National Police Station 7 sa Cubao. Sinabihan niya ito na sana’y nagpunta muna siya kina Norhata upang ibalita ang pagdukot. Paliwanag naman ni Mysle, bilin umano sa kanya ng imbestigador na umuwi na muna at magpahinga dahil na-trauma siya sa nangyari.

“Nagpunta muna ako sa istasyon ng pulis at nagsama ako ng isang pulis para hindi matakot si Mysle habang kausap ako. Wala nun sa Pilipinas ang asawa ko,” wika ni Norhata.

Ayon sa salaysay ni Mysle, ika-28 ng Hunyo 2013 naglalakad sila ni Mohamad Azis Dimacuta sa P. Tuazon bandang 7:15 ng gabi nang may tumangay dito at kumuha ng kanyang bag.

“Mahigit apat na kalalakihan, ang isa ay may tangkad na 5’8, nakasuot na kulay itim na polo shirt at may NBI na tatak,” sabi ni Mysle.

Bigla na lamang daw lumapit ang isang lalaki sa kanila. “May warrant ka! Sumama ka sa ‘min,” sabi umano nito kay Mohamad.

May hawak na baril ang lalaki. Ang mga kasama pawang armado. Lumapit si Mysle ngunit bigla na lang siyang sinampal ng isa pang lalaki at kinuha ang kanyang bag. Sinikmuraan din daw siya kaya siya napasubsob.

Habang siya’y nasa ganung kalagayan sinabihan siya ng lalaking nanampal na may atraso ang pamilya ni Mohamad sa kanya at babalikan niya ang mga ito.

Sa takot ni Mysle wala na siyang nagawa. Hindi niya namukhaan ang lalaking sumampal at sumuntok sa kanya. Nang bumangon siya ay wala na si Mohamad at mga lalaki.

Naghanap siya ng mga kaibigang mapagtatanungan ng numero ng pamilya ni Mohamad ngunit wala siyang nakita. Gusto niya rin sanang magpasama sa pulis papunta sa bahay ni Mohamad ngunit pinayuhan siyang magpahinga na muna.

Kinabukasan nahanap niya ang numero ni Mariel Uy at ito ang pinagbilinan niya sakaling magpunta ang pamilya ni Mohamad doon.

Napagpasyahan na nina Norhata na lumapit sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Anti-Kidnapping Group (AKG).

“Ang NBI muna ang kumilos, saka lang sa AKG kapag may ransom nang hiningi ang mga dumukot,” wika ni Norhata.

Ika-25 ng Hulyo 2013 nang may natanggap na text si Norhata mula sa isang kamag-anak na ang orihinal na text ay nagmula umano sa may hawak kay Mohamad. Makalipas ang limang araw tinext sila ng sabay.

Humihingi ng Php225,000.00 ang mga ito sa kanya. Nagbigay ang mga ito ng account number sa China Bank sa pangalan ng isang Gleen Bandrang.

Hulyo 28, 2013 nang magdeposito sila sa China Bank.

Nag-imbestiga ang AKG sa Cebu kung saan kinuha ang pera. Nakipag-ugnayan sila sa AKG Visayas Field Unit (VFU) para magkaroon ng ‘surveillance operation’ sa China Bank, Magallanes Branch Cebu City at para makipagkita sa mga kamag-anak ng biktima.

Agad na naghanap sa Facebook si SPO2 Kenneth Malikchan kung may account ba doon si Gleen Bandrang at para malaman kung ano ang pagkakakilanlan nito. Nakakuha sila ng larawan ni Bandrang at agad nila itong ipinadala sa pamamagitan ng internet sa AKG-VFU.

Alas diyes ng umaga ng Hulyo 29, 2013…pumuwesto sina SPO2 Hector Bas at SPO2 Zosimo Ravanes Jr. kasama ang tiyuhin ng biktima na si Esmail Lomondot sa labas ng bangko.

May nakita silang lalaki na kamukha ng nasa larawang hawak nila kasama ang isang batang lalaki. Nang lumabas na ito ng bangko ibinigay nito sa kasamahan ang isang brown envelope na hinihinila nilang ransom money.

Sinundan ito ni PO2 Ravanes hanggang sa malaman niya kung saan nakatira si Bandrang. Ang kasama naman nito ay hindi nila nahuli.

Noong Agosto 1, 2013 nagpunta ng Cebu si SPO2 Malikchan upang makatulong sa pagsurveillance at operasyon ng pag-aresto.

Kinabukasan dinala ni Abdul Karim Dimakuta, kamag-anak ng biktima si Gleen Bandrang sa opisina ng AKG para sa imbestigasyon.

Ayon sa ibinigay na salaysay ni Gleen Bandrang, habang nasa Starmix Cellphone Shop nang lapitan siya ni Abdul. Pinapunta siya sa isang kainan sa tapat dahil may itatanong tungkol sa negosyo.

Pagkarating roon tinanong siya ni Abdul kung nag-withdraw siya noong Hulyo 28 at 29, 2013 at umamin naman ito.

Kusang loob namang sumama si Bandrang. Pagkarating sa istasyon ng pulis sinagot ni Bandrang ang katanungan ni Abdul sa harap ng PNP-AKG sa pangunguna ni P/Supt. Robert Lingbawan.

“Nung nakaraang Hulyo 28, 2013 nakatanggap ako ng Php225,000. Nakiusap ang aking kaibigang si Rene kung maaari niyang gamitin ang aking account dahil may magdedeposito ng pera. Dahil siya’y kaibigan ko pumayag ako,” salaysay ni Bandrang.

Ika-28 ng Hulyo 2013 ng alas kwatro ng hapon nang i-withdraw niya mula sa kanyang ATM card ang halagang Php25,000.

“Kinabukasan ng alas onse ng umaga, kasama ang kaibigan kong si Rene nagpunta kami sa China Bank para i-withdraw ang Php200,000,” ayon kay Bandrang.

Nang makuha ang pera ibinigay niya ito kay Rene.

Una naming ginawa bilang tulong ay ang makipag-ugnayan sa mga otoridad at nakausap namin si Director Virgilio Mendez ng NBI.

Pamilyar siya mismo sa kaso. Malalim ang mga binitiwan niyang salita.

‘Alam din naman nila kung ano ang mga development sa pagkawala ng kanilang anak. Tanungin ninyo sila,’ sabi ni Dir. Mendez.

ABANGAN ang karugtong ng pitak na ito sa MIYERKULES, EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

 (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

BANDRANG

HULYO

MOHAMAD

MYSLE

NIYA

NORHATA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with