Nasaan?
Nasaan ang ating mga kabataan
na sabi ni Rizal: Pag-asa ng bayan?
Sila ba’y naroon sa loob ng bahay
o nagkalat ngayon sa mga lansangan?
Nasaan ang ating mga estudyante
Marunong mag-aral hanggang hatinggabi?
sila ba ay handa na laging magsilbi’t
Sa mga magulang sila’y makaganti?
Nasaan ang ating mabubuting pulis
at mga bumberong trabaho’y malinis?
Sila ba ay handang buhay ay mapatid
na walang padulas silang iniisip?
Nasaan ang ating mga abogado
na hustisya lamang hangad na manalo?
At dahil magaling mambilog ng ulo
tinatanggap lamang mayamang may kaso?
Nasaan ang ating experts na weatherman
bakit sila ngayon ay nag-aalisan?
Mga sweldo nila bakit kapraso lang
parang bingi yata ang pamahalaan?
Nasaan din ngayon mga binibini
na ayaw pahipo kahit na daliri?
Kapag nakamit mo pag-ibig na tangi
hanggang sa libingan kayo’y magkatabi?
Nasaan din ngayon ang mga binata
na handang mamatay para sa diwata?
Sila kung magmahal napakadakila
pag-ibig ay tapat hanggang kay Bathala?
Nasaan ang bansang dati ng huwaran
hindi natatakot sa mga kalaban?
Kung ngayo’y may lahing gusto’y makalamang
lahing Pilipino handa sa bakbakan?
- Latest