EDITORYAL - Ika-28 mamamahayag na bumulagta
MAPANGANIB ang buhay ng mga mamamahayag sa Pilipinas. Sabi, nakatuntong daw sa hukay ang isang paa ng mamamahayag. Dahil dito, ikatlo ang Pilipinas sa mga bansang mapanganib para sa mga mamamahayag. Ayon sa Reporters Without Borders, nangunguna ang Iraq at pumangalawa ang Pakistan sa mga bansang walang awang pinapaslang ang mga mamamahayag.
Walang makuhang proteksiyon mula sa pamahalaan ang mga mamamahayag. Kapag may napaslang, sasabihin lamang ng Malacañang na pinakikilos na nila ang Philippine National Police (PNP) para mapanagot ang mga salarin. Pinaiim-bestigahan na raw at saka sa dakong huli ay sasabihin na nakikiramay sila sa pamilya nang pinaslang. Ganun lang kasimple.
Noong Biyernes ng umaga, isa na namang broadcaster ang pinaslang. Pinagbabaril ng riding-in-tandem si Samuel “Sammy†Bravo Oliverio, 57, ng Digos City, Davao del Sur. Pauwi na umano si Oliverio galing sa palengke kasama ang kanyang misis nang pagbabarilin. Namatay agad si Oliverio dahil sa mga tama ng bala sa katawan at ulo. Si Oliverio ay blocktime radio commentator sa University of Mindanao Broadcasting Network (UMBN) at Ukat Radio. Mabilis na tumakas ang mga salarin. Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan ang pagiging broadcaster ni Oliverio kaya siya pinatay.
Hindi pa natatagalan ng isang babaing tabloid reporter ang pinagbabaril sa Cavite. Isang police official ang itinuro mismo ng reporter habang ito ay naghihingalo. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang napapanagot sa krimen.
Ayon sa National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), si Oliverio ang ika-28 mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng Aquino admi-nistration at 164th mula noong 1986 na naibalik ang demokrasya sa bansa.
Pinaka-malagim na pangyayari ay ang MaguinÂdanao massacre noong 2009 kung saan, 30 maÂmamahayag ang pinaslang. Hanggang ngayon, usad-pagong ang paglilitis sa Maguindanao massacre. Walang makitang liwanag para mabigyan ng hustisya ang mga pinaslang.
Kailan magkakaroon ng katuparan ang sinabi noon ni President Noynoy Aquino na pabibilisin ang paglutas sa kaso ng mga pinatay na mga mamamahayag?
- Latest