President Miriam
IBANG klase kung magalit itong si Sen. Miriam Santiago. Matindi ang banta: Tatakbo siyang Pangulo sa 2016.
Habang ibinabaon siya sa kaso ng mga katiwalian, lalu lamang siyang nanggigigil at nagagatungan ang pagnanasang maging Presidente ng Pilipinas.
Parang may messianic complex na ang feeling ay mala-Wonder Woman niyang pupuksain ang lahat ng katiwalian sa ibabaw ng lupa sa sandaling naroroon na siya sa matayog na posisyon.
Aniya “dapat na talaga akong tumakbo para Presidente sa 2016,†at ang dahilan niya ay dahil kinaladkad ang kanyang pangalan ng “gang of thieves†sa pork barrel scam na mariin niyang pinabulaanan.
In fairness, hindi puwedeng maliitin ang bilang ng mga taong hangga ngayon ay bilib kay Miriam at kung daraanin sa malinis na eleksyon, baka manalo ang aleng ito.
Sabi ni Miriam, sobra na’ng talamak ang katiwalian sa bansang ito kaya kailangan na siyang tumakbong Pangulo. Ang problema nga lang, idinadawit nga siya sa pork barrel scam at alam n’yo naman tayong mga Pinoy, madaling maniwala sa mga negatibo. Mahirap talagang sabihing walang kinalaman sa politika ang mga nangyayaring ito. Sa tingin ko, wholesale demolition ang nangyayari dahil ang mga idinadawit ay may magagandang reputasyon sa mata ng tao at karamihan ay may political ambition para tumakbo sa mas mataas na puwesto.
Ilang halimbawa lamang sina Senador Chiz Escudero, Alan Peter Cayetano at kapatid na si Sen. Pia Cayetano at Koko Pimentel.
Gaya nang nasabi ko na sa nakaraang kolum, walang bigat ang listahang ibinigay ni Napoles kung walang sumusuportang ebidensya. Ang pinakamahalaga ay busisiin ang records ng Commission on Audit sa disbursement ng mga Senador para malaman kung sinu-sino ang hindi naging makatuwiran ang paggasta sa kanilang alokasyon.
At tama ang kahilingan ni Santiago sa Blue Ribbon committee na muling ipatawag sina Napoles at Luy sa imbestigasyon sa pork barrel scam matapos maglitawan ang ibat ibang bersyon ng Napoles list. Tila squid tactic ang nangyayaring ito.
- Latest