^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Bala sa ika-26 na mamamahayag

Pilipino Star Ngayon

HINDI pa natatagalan nang barilin ang isang tabloid columnist sa Cavite at noong Linggo ay mayroon na namang mamamahayag na bumulagta. Patay sa pamamaril ng tatlong lalaki si Richard Najid, 35, manager ng FM station Power Mix dxNN sa Bongao, Tawi-Tawi. Ayon sa pulisya, pauwi na si Najid mula sa paglalaro ng basketball nang sundan ng mga lalaki at pagbabarilin. Tinitingnan umano ng pulisya kung ang pagpatay kay Najid ay may kinalaman sa kanyang trabaho. Bukod sa pagiging manager ng FM station, nagrereport din umano ng mga nangyayari sa probinsiya si Najid. Ayon sa mga kaibigan ni Najid, wala silang alam na kaaway ito kaya nagtataka sila kung bakit ito pinatay. Hanggang ngayon, wala pang lead ang pulisya kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa mamamahayag.

Ayon sa National Union of Journalists in the Philippines (NUJP), si Najid ang ika-26 na mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Aquino administration. Ayon sa NUJP, walang kakayahan ang Philippine National Police (PNP) na malutas ang mga pagpatay sa mamamahayag. Sabi naman ng Malacañang sa pagpatay kay Najid, kinukondena nila ang pangyayari at ina­tasan na nila ang PNP na imbestigahan ito. Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma, gagawin lahat ng PNP ang paraan para mapanagot ang may kagagawan sa pagpatay sa mamamahayag.

Tuwing may napapaslang na mamamahayag, iisa ang sinasabi ng Malacañang, na iimbestigahan at pananagutin ang mga may kagagawan. Laging ganito ang sinasabi pero hanggang ngayon wala pang nalulutas sa mga pagpaslang na ginawa. Halimbawa ay ang pinatay na broadcaster/environmentalist Gerry Ortega ng Palawan. Hindi pa ito nalulutas sapagkat ang mga “utak” ay nakaalis na umano ng bansa.

Ikatlo sa mga bansang pinaka-mapanganib sa mga mamamahayag ang Pilipinas. Nangunguna ang Iraq at ikalawa ang Syria. Baka hindi magtagal at angkinin ng Pilipinas ang mataas na puwesto.

Maging tapat sana ang pamahalaan sa pangakong poprotektahan ang mamamahayag. Pakilusin ang PNP nang buong husay para naman mapanagot ang mga mamamatay-tao.

AYON

GERRY ORTEGA

MALACA

MAMAMAHAYAG

NAJID

NATIONAL UNION OF JOURNALISTS

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

PILIPINAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with