P1-M kada buwan para sa Presidente?
MABUTI naman at “tinorpedo†kaagad ni President Noynoy ang proposal ni Sen. Antonio Trillanes na nagtataas sa sahod ng Presidente sa P1-milyon kada buwan.
Kontrobersyal ang panukala ni Sen. Trillanes. Bukod sa isang milyong piso kada buwan na sahod ng Presidente sa ilalim ng salary standardization, gagawin ding mula P600,000 hanggang P800,000 ang sahod ng mga cabinet officials.
Sino naman ang hindi mapapataas ang kilay sa proposal? Habang marami tayong kababayang nagtitiis sa kakarampot na sahod, gagawing P1-M ang sahod ng Pangulo ng bansa. Sa pribadong sektor ay may mga executives na sumasahod ng ganyan. Pero ang gobyerno ay hindi korporasyon dahil ang nagpapasahod ay ang mga mamamayang Pilipino na nagbabayad ng buwis.
Sabi ni Trillanes, ito raw ay isang paraan para mapigil ang korapsyon. Sorry pero hindi ako naniniwala diyan. Ang taong likas na corrupt ay walang kabusugan. Tingnan n’yo na lang yung mga nasasangkot sa plunder na hindi lang milyones kundi TRILYONES ang nakulimbat sa kaban ng bayan wala pa ring tigil sa pangungulimbat.
Sa kasalukuyan ay nasa P120-libo lang ang sahod ng Pangulo. Malaki na ang itinaas kung ihahambing noong panahon ni dating Presidente Cory Aquino na noo’y may sahod lamang na P50-libo. Pero ang pagiging Presidente ay kaiba sa karaniwang empleyo. Ito ay paglilingkod sa bayan. At sino ba ang nagpapasahod sa Pangulo kundi ang taumbayan na kakatiting ang kinikita habang ang Presidenteng pinasusuweldo nila ay isang milyong piso ang sahod at halos ganun na rin ang sahod ng mga iba pang matataas na opisyal.
Tiyak na mag-iisip ang taumbayan: Siguro may pangarap maging Presidente ang sino mang magsusulong na gawing isang milyon ang sahod ng Pangulo. Pero hindi ako mag-iisip nang ganyan.
Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill 1689 o Salary Standardization Law 4. Ang kawawa ay yung mga ordinaryong kawani sa gobyerno dahil ang tinutulan ng Pangulo ay ang buong panukalang nagtataas sa sahod ng lahat ng naglilingkod sa gobyerno.
- Latest