Napoles paaminin, dinambong ipasoli
TINUTULIGSA ng mga mahuhusay na trial lawyers ang pinapahayag ni Justice Sec. Leila de Lima -- na maari daw maging state witness sa P10-bilyong pork barrel scam si fixer Janet Lim Napoles. Sa pagsabi nito, anila, tila pinahihina mismo ni de Lima ang kaso laban sa tatlong senador, limang kongresista, implementing agency heads, at mga kasapakat nila.
Dinetalye kamakailan ni Napoles kay de Lima ang pandarambong nina Sen. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla. Makakatulong umano ang salaysay sa pagpapatunay ng krimen ng tatlo.
Mali si de Lima, ani Atty. Levito Baligod, abogado ng whistleblowers na unang naghabla ng plunder laban sa 38 opisyales. Nakasalalay ang kaso sa “eleÂmento ng conspiracy†ng tatlong pangkat: Mga senador at kongresista na nagbigay ng pork barrels, mga fixers na nag-imbento ng front NGOs at proyekto, at mga agency heads na nagpalusot ng pondo. Kapag tanggalin sa habla at gawing state witness si Napoles, na pinaka-malaking fixer, malulumpo ang kaso. Dapat alam ito ni de Lima, na nagrepaso ng kaso bago ito isampa sa Ombudsman.
Mag-ingat sana si de Lima sa mga sabi-sabi ni Napoles, babala ni Atty. Stephen Cascolan, isa pang abogado ng whistleblowers. Kung ano-ano lang ang ikukuwento nito, ani Cascolan ngayong batid na ni Napoles na maari siya makulong habambuhay kasama ang mga kapamilya, o kaya mapatay ng mga sangkot. Tama si Cascolan na hindi mapapagkatiwalaan ang salita ni Napoles. Lantaran na itong nagbulaan sa Senado; sumumpa siya sa hearing doon na wala siyang alam sa scam at gawa-gawa lang ng mga dating empleyado ang mga ebidensiya laban sa kanya. Tama rin ang payo ni Cascolan kina de Lima at Ombudsman Conchita Carpio Morales: paaminin nang lahat si Napoles, para huwag madamay ang mga kamag-anak, pero ipasoli ang bil-yong-pisong parte niya sa pandarambong.
- Latest