Honeymoon
KABABAGO pa lang nalagdaan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaliwa’t kanan na ang mga sinasabing insidenteng naglalagay sa alanganin sa estado ng nasabing kasunduan.
May ilan na ring mga pangyayari nitong nagdaang buwan na kung hindi sagupaan ay mga kidnapping na kinasangkutan diumano ng mga miyembro ng MILF, partikular na sa Basilan at Lanao del Sur.
Tahasan ding sinabihan kamakailan lang ni government chief peace negotiator Miriam Coronel Ferrer ang MILF na disiplinahin at himukin ang mga tauhan nitong pinaniwalang sangkot din sa kidnapping sa katimugan.
Sinabihan pa nga ni Ferrer na dapat ding tumulong ang MILF sa pagpalaya ng may higit 100 pang mga kidnap victims na nasa custody pa rin ng kanilang mga captors hangggang ngayon.
Iba naman ang pananaw ng MILF vice chair for political affairs Ghazali Jaafar na nawa’y huminto na ‘yong mga nagtatangkang sumira ng ‘honeymoon’ stage ng CAB.
Ayon kay Jaafar may mga tao at mga sector na gustong sirain ang CAB at ang pagsusumikap na iiral na ang kapayapaan sa Mindanao.
Hinimok ni Jaafar ang mga sumisira sa peace process na kung pupuwede na huwag sirain ang momentum na dapat ay ‘honeymoon’ mode ngayon.
Mahaba pa ang tatahakin ng peace agreement na nilagdaan. May Bangsamoro Basic Law pang papandayin ng Kongreso at Senado.
Kung ano ang nasa dulo ng lahat ng ito, dapat kapayapaan na talaga ang umiral.
- Latest