Abandonadong pamilya ng OFW
INIBA ko ang pangalan ng mga tao sa kuwentong ito. Ito ay true story ng isang abandoned OFW wife na si Lizle at kanyang apat na anak na sina Jestoni, 21, Carl, 18, Gerald, 17 at Kim 14. Ikinasal si Lizle kay Albert noong November 1993. Tatlong taon din silang magkasintahan bago sila nagpakasal sa Judge. Si Lizle ay 20 noon at si Albert naman ay 23. Noong taon 2000, naging OFW si Albert sa Qatar bilang glass and aluminum installer. Mulat sapul hindi alam ni Lizle kung magkano ang sinasahod ni Albert sa Qatar, pero nagpapadala naman siya ng suporta sa pamilya mula 2000 hanggang 2010 kahit hindi regular dahil minsan meron at minsan naman ay wala.
Noong 2003 nang umuwi si Albert sa Pilipinas, nadiskubre ni Lizle na mayroong kabit si Albert at mayroong anak na lalaki na 12 years old na ngayon. Mula nang madiskubre ni Lizle na may ibang karelasyon si Albert, lalong hindi na regular ang pinapadala niyang suporta. Minsan nagpapadala siya ng P1500, minsan naman ay P5000 na kulang na kulang sa mga pangangailangan ng pamilya. Para makaraos si Lizle ay nagtatrabaho bilang isang caretaker ng bahay bakasyunan ng isang pulitiko.
Dumulog si Lizle sa OWWA at sa DOJ ngunit naiinip siya sa tagal ng proseso habang siya at ang kanyang mga anak ay labis nang nahihirapan. Noong ako ay Ambassador pa, ang ginawa ko everytime na mayroong ganitong problema na ipinararating sa akin ay kinakausap ko kaagad-agad ang OFW na magpapadala ng suporta kung hindi ay i-withold ko ang renewal ng kanyang passport.
Epektibo ang paraang ito. Ngunit mangilan-ngilan lang sa mga Ambassador ang gumagawa nito dahil takot. Wala pa kasing batas na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan na gawin ito. Kaya mayroon akong panukalang batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga Ambassador na umaksyon sa ganitong mga problema alang-alang sa kapakanan ng mga pamilya ng OFW na inabandona. Para lamang ito sa iresponsableng mga OFW na magulang. Walang karapatan ang Ambassador na magwithold ng renewal ng passport kung wala namang inabandong pamilya na nagrereklamo.
- Latest