EDITORYAL - Bagong Pag-asa
KAHAPON, maraming bahagi ng bansa ang madilim ang papawirin, dahil umano iyon sa isang namumuong sama ng panahon na ayaw umalis-alis sa bansa. May mga lugar na umuulan at nagsusungit ang panahon. Subalit makalipas ang ilang sandali ay unti-unting sumilay ang araw. Sa kabila ng madilim na kalangitan ay isang liwanag ang sumungaw. May hatid ng bagong pag-asa ang kagila-gilalas na pagsilang ng araw.
Maraming nagdadalamhati dahil sa mga pagsubok na dumating sa kanilang buhay. Maraming nawawalan ng pag-asa dahil sa mga dagok na biglang nanalasa at nag-iwan ng masakit na alaala.
Katulad ng mga biktima ng bagyong “Yolanda†na hanggang ngayon ay nasa kanilang isipan pa ang masamang bangungot na tumama sa kanila limang buwan na ang nakalilipas. Marami pa sa kanila ang hindi pa nakababangon. Marami pa sa kanila ang nananatili pa sa mga tent at nagtitiis sa init, lamig at baha na dulot ng masamang panahon. Marami pa rin sa kanila ang umaasa sa tulong na pagkain mula sa gobyerno. Subalit sa kabila ng hirap at pagpapakasakit, marami rin sa kanila ang umaasang sa mga darating na araw ay magbabago ang kanilang buhay. Ang lahat ng paghihirap ay mapapawi. Malaki ang kanilang paniwalang ang mga naranasang hirap ay mapapalitan ng ligaya.
Marami ring kaanak ng mga biktima ng mga aksidente sa bus ang hanggang ngayon ay nagtatanong kung bakit ang kanyang mahal sa buhay pa ang namatay. Hanggang ngayon, ang mga kaanak ng mga namatay sa Florida Bus na nahulog sa bangin sa Mountain Province ay hindi pa matanggap ang trahedya. Ganundin naman ang mga kaanak ng na-aksidenteng Don Mariano Transit? Nang naaksidenteng bus sa Quezon bago ang Mahal na Araw. Lahat sila nagdadalamhati pero gaya ng mga naging biktima ng Yolanda, ang liwanag ay sisikat din sa kanila.
Marami pang nawalan at nagdurusa. Pero ang lahat ay may katapusan. Mawawala ang dilim at mapapalitan ng kinang. Ang lahat nang mga nangyaring bangungot ay mapaparam.
Katulad din nang pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa krus, ang kasunod ay bagong pag-asa. Iyon ang Muling Pagkabuhay. Iyon ang bagong Pag-asa.
Maligayang Pasko ng pagkabuhay sa lahat!
- Latest