Matuto na tayo
PALAGING nasa balita ang MRT. Mga problema kung saan nasisira ang tren at tumitigil ang operasyon. Pahaba nang pahaba ang pila. Sa tingin ko ay dumami na rin kasi ang mga sumasakay ng MRT, dahil na rin sa matinding trapik sa EDSA. At huwag nating kalimutan ang kontro-bersyang bumabalot sa pagsasaayos ng MRT, kung saan mismong ambassador ng Czech Republic ang nagsalita laban sa general manager ng MRT. Kasalukuyang iniimbestigahan ang kontrobersya, sa utos ng Presidente.
Pero habang nagaganap ang lahat na iyan, patuloy pa rin ang paggamit ng MRT. Kaya nagsalita na rin ang dating tagapag-alaga ng MRT. Ayon sa kanya, kinakailangang suriin nang mabuti ang mga riles ng MRT, dahil may mga indikasyon na raw na “pagod†na ang mga ito. Napapagod din ang lahat ng klaseng bakal. Kaya nga may mga eroplano na hindi na puwedeng paliparin dahil pagod na nga ang bakal, o aluminyo nito. Ganun din ang bakal, tulad ng riles ng mga tren. Natatandaan ko ang isang napanood kong palabas sa National Geographic Channel, ang “Se-conds from Disasterâ€, kung saan pinag-aaralan nila ang dahilan at sanhi ng mga malalaki at grabeng aksidente.
Ang napanood ko ay ang nadiskaril na tren sa Germany noong 1998, kung saan higit 100 ang namatay at 100 ang nasaktan. Ito ang pinakagrabeng aksidente ng tren sa kasaysayan ng Germany, at pinakagrabeng aksidente ng isang high-speed na tren sa buong mundo. Matapos ang masinsinang imbestigasyon sa sanhi ng aksidente, nakita na nagkaroon ng isang maliit na lamat ang isang bakal na gulong ng tren. Sapat na ito para madiskaril mula sa riles. At dahil mabilis, malaki at malubha ang disgrasya. May mga nasira pang bahay. Kung may planong dagdagan ang mga tren ng MRT, dapat ngayon pa lang ay iniinspeksyon na ang riles nito. Huwag na sanang maghintay ng aksidente bago na naman kumilos! Kung mahigpit na tayo sa mga bus na patuloy na bumibiyahe kahit kalbo ang mga gulong at ano pang paglabag sa mga patakaran, dapat ganun din ang turing sa MRT. May kaugalian ang Pilipino na gumamit ng mga bagay-bagay hanggang sa masira na lang nang tuluyan, tulad nga ng mga pampasaherong bus. Hindi puwedeng ganito ang pamamalakad sa MRT. May plano na rin namang pagandahin ang serbisyo ng MRT, isama na rin ang pag-inspeksyon ng mga riles at hindi lang ang pagdagdag ng mga tren. Matuto sana tayo sa naganap na aksidente sa Germany, kung saan tila pinabayaan na lang ang mga gulong dahil bakal naman.
- Latest