Wanted: Bagong Moses
ANG Filipino diaspora o pagkawatak-watak ng may 10 milyong Pilipino sa iba’t ibang sulok ng daigdig ay dapat nang wakasan na. Kailangan ng bansa ang isang Moses para tulungang makauwi na sa Pilipinas ang mga kababayan nating walang magawa kundi iwanan ang kanilang mga pamilya para maghanap-buhay sa ibayong dagat. Si Moses ang namuno sa paglikas ng mga inaaping Judeo sa Egypt ayon sa Bibliya. Hindi natin masisisi ang OFWs dahil mahirap maghanap ng trabaho sa Pilipinas.
Ayon sa pinaka-bagong survey ng Social Weather Stations (SWS), 13 million ang jobless sa bansa at 20 million ang underemployed. Napakasaklap ng ating kalagayan. Ang total population ng Singapore ay 4 million at ang UAE naman ay 5 million. Dito sa Pilipinas, 13 million pa lamang ay jobless na. Ang total population ng ating bansa ay 100 million. Ano ang pinaka-sanhi ng massive joblessness at Filipino diaspora? Walang ibang kasagutan kundi ang massive graft and corruption. Pera na dapat ginagasta ng gobyerno sa spending stream ng ating ekonomiya para lumikha ng milyun-milyung jobs ay ibinubulsa ng mga tiwaling kawani ng gobyerno.
Nababasa naman natin sa mga diyaryo kong paano pinulutan ng ilang tiwaling senador, kongresista at iba pa ang bilyun-bilyong pera sa kaban ng bayan. Suriin natin ang pagkatao ng mga may gustong maging Presidente sa 2016. Tulad halimbawa ni Vice President Binay. Wala ba siya o kanyang pamilya na masamang record hinggil sa corruption? Si Mar Roxas naman, may kakayahan ba siyang hanguin ang Pilipinas sa kahirapan? Ano ang nagawa niya para matugunan ang Yolanda crisis? Kung hindi niya nakayanan ang Yolanda, ang Filipino diaspora pa kaya? Sino kaya sa dalawa ang puwedeng mag-Moses? Mukhang wala.
- Latest