Flood control sa Metro
(Part 2)
NABANGGIT natin sa nakaraang kolum ang proyektong magkasamang binabalikat ng DPWH at Maynilad. Itutuloy natin ito dahil mahalagang maunawaang lubos ng taumbayan.
Ang interceptor drainage box culvert ang tinututukan ngayon ng Department of Public Works and Highways para matuldukan na ang malalagim na pagbaha sa Metro Manila.
Kaunting sakripisyo at puntiryang tapusin iyan sa loob ng taong ito. Isinasaayos na ng Maynilad ang realignment ng mga tubo na anim na metro ang lalim na dapat hukayin para maibaba ang kanilang water pipe na gagawin sa panahon ng semana santa. Kaya tulad nang nasabi ko na…IPON-IPON na tayo ng tubig.
Ulitin natin para makapaghanda. Tatlong araw na mawawalan ng tubig sa ilang bahagi ng Imus, Kawit, Makati, Malabon, Manila, Navotas, Pasay and South Caloocan; at sa kabuuan ng Bacoor, Cavite City, Las Pinas, Muntinlupa, Noveleta at Paranaque na magsisimula sa Miyerkules Santo (Abril 16) hanggang Sabado de Gloria (Abril 19).
Sabi ni DPWH-NCR Project Engineer Edgardo Ramos, nais ng pamahalaan na wawakasan na ang taunang malalagim na pagbaha sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.
Ang interceptor drainage culvert na ang magiging “catchment facility†para sa tubig baha na manggagaling sa Quezon City at direktang magtutungo sa Sunog Apog creek sa Tondo at tuluyang lalabas sa Manila Bay.
Sa pagsasagawa ng naturang interceptor drainage box culvert sa may Blumentritt St., Maynila ay maapektuhan ang linya ng tubig ng Maynilad sa may Juan Luna St. at Hermosa St.
Mangangailangan ang Maynilad ng 72 oras para ma-tanggalan ng tubig , mailihis at muling mapuno ng tubig ang tubo nito, dahil isa itong primary line na may pitong talampakan na sukat. Dahil dito, humihingi ng pang-unawa ang Maynilad sa mga maapektuhang residente at upang hindi gaanong mahirapan ay halinhinan ang gagawing nilang pagpapatay ng tubig upang magkaroon ng pagkakataong mag-ipon ng tubig ang mga apektadong lugar.
Gayundin, magbubukas ng apat na deepwell ang Maynilad para maserbisyuhan ang ilang apektadong residente na kung saan ay may 60 water tanker din ang nakahanda para hatiran ng tubig ang mga lugar na makakaranas naman ng tatlong araw na service interruption.
- Latest