Nakakawalang-gana
KUNG ganyan din lang ang nangyayari, mawawalan na ng gana ang lahat ng tumutulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Saku-sakong bigas na nakalaan dapat para sa mga biktima ng Yolanda ang nakita sa isang kainan. Sa madaling salita, may nagbenta ng mga sako ng bigas sa kainan, na binili naman para magamit sa negosyo. Kaya kakasuhan ng DSWD ang may-ari ng kainan, at hinihikayat na sabihin kung sino ang nagbenta ng mga bigas sa kanya.
Akala ko ba ito ang mga dapat binabantayan ni rehabilitation czar Panfilo Lacson? Bakit may nakakalusot pa rin sa kabila ng mga banta niya sa mga nananamantala sa sitwasyon? Nababasa natin na may mga nabuÂbulok na bigas. Nababasa natin na may mga pagkain at kagamitang ibinebenta kung saan-saan, na nakalaan para sa mga biktima. At huwag nating kalimutan ang mga nagnakaw ng mga kagamitan mula sa mga tindahan ilang araw makalipas ang bagyo. Kung ganito lang ang nangyayari sa Tacloban, hindi kaya mawalan na ng gana ang mga nais pang tumulong, at mukhang pera naman ang gusto at hindi pagkain, pabahay, damit at kung ano pang mga kailangan?
Kailangang malaman kung sino ang nagbenta ng bigasÂ. Sigurado may koneksyon sa ahensiya na namuÂmuno sa pagkolekta at pagtago ng mga bigas. Ang korapsyon talaga, mula sa pinakamababang empleyado ng gobyerno hanggang sa pinakamataas, hindi nawawala, hindi natitiis. At sa may-ari naman ng kainan, talagang mas mahalaga pa rin ang kumita kaysa sa tumulong. Alam naman siguro na para sa mga biktima ng Yolanda ang bigas, pero mas ginustong pagkitaan pa ang mga kababayan imbis na isumbong ang nagbebenta, para maibalik sa mga biktima ang bigas.
Sigurado marami pa riyan ang nakikinabang sa dami ng mga itinulong ng mundo sa mga biktima ng Yolanda.Hindi pa natin alam kung ang lahat ng ipinangakong pera ay napupunta sa mga biktima. Kung may mas malakas pang tukso sa pagbenta ng bigas, ito ay ang pagbulsa, pagkupit na lang ng pera.
Para kay rehab czar Panfilo Lacson, ito ang katotohanan. Katotohanan na dapat niyang harapin, at aksyunan, tulad ng kanyang ipinangako.
- Latest