Misteryo ng MH370
OPISYAL nang naglabas ng pahayag ang prime minister mismo ng Malaysia, at sinabing nagtapos ang paglalakbay ng MH370 sa timog na bahagi ng Indian Ocean, malapit sa Australia. Nagpahayag din na walang nakaligtas sa pagbagsak ng eroplano. Binase ang pahayag sa nadiskubreng mga bagay na lumulutang sa nasabing karagatan. Hindi pa aktwal na nakita ang eroplano, pero malaki ang posibilidad na dito na nga bumagsak. Matapos ang higit dalawang linggong paghahanap, dumating na ang masamang balita.
Magsisimula na ang mas mahirap na aktwal na paghanap sa eroplano, pati na ang pag-alam kung bakit ganito ang sinapit ng MH370. Matatagalan ito kung nasa ilalim ng dagat ang eroplano, pero magagawa pa rin ito. Kailangan malaman kung ano ang nangyari sa MH370, para iwasto kung nagkaproblema, o baguhin ang ilang mga patakaran hinggil sa paglipad.
Mabuti na lang at alam na kung saan bumagsak. Kailangan makuha ang flight recorder at cockpit voice recorder, o ang mga tinatawag na “black boxâ€. Dito malalaman kung ano ang ginawa ng mga piloto mula sa pag-alis nito hanggang sa sinapit na pagbagsak.
Napakaraming tanong ang kailangang masagot. Bakit sa Indian Ocean umabot ang eroplano? Napakalayo nito sa takdang destinasyon nito? Nalaman na nagbago ng direksyon ang eroplano, pero bakit dito? May impormasyon pa na bumaba ang eroplano mula sa kanyang takdang taas sa himpapawid. May nangyari ba sa eroplano kaya bumaba para makahinga nang maayos ang mga pasahero? Kung ganun ay kontrolado pa pala ng piloto ang eroplano. Bakit hindi itinawag ang problema, kung meron?
Ang flight MH370 ang pinaka-misteryosong aksidente sa kasaysayan ng komersyal na aviation. Sa panahon kung saan halos high-tech na ang lahat, para mawala sa radar ang isang eroplanong tulad nito ay napakalaking palaisipan.
Kung matututo ang industriya mula sa aksidenteng ito, kailangang malaman ang lahat, para maayos ang problema, magawan ng mga solusyon na maayos kung sakaling maulit ang problema, o mabago ang mga patakaran, pati na rin ang disenyo ng eroplano kung kinakailangan. Mabuti na lang at tapos na ang paghihintay ng mga kamag-anak, kahit masama pa ang balita. Pero tila nagsisimula pa lang ang hinagpis at galit at bintang ng mga kamag-anak sa mga otoridad ng Malaysia.
- Latest