Milagro sa pagtapon kay Capa
NAPANGIWI ang mga taga-Manila Police District Headquarter’s sa sinapit ni Task Force Tugis chief Sr. Supt. Conrad Capa matapos maaresto si Globe Asiatique President Delfin Lee sa lobby ng Hyatt Hotel, Ermita, Manila, noong March 6 ng hapon. Kasi nga sa halip na promotion sa pagkahuli kay Lee, tinapon pa si Capa sa Cebu. Hehehe! Kung tutuusin umano mas higit na aani ng tagumpay si Capa dahil malaking isda ang nalambat ng Philippine National Police. Ang masakit mukhang may moro-morong kalakaran ang humahadlang sa kasikatan ni Capa kaya sa Cebu siya itatago ng PNP upang makagalaw nang malaya ang mga abogadong nasa likod ni Lee. Si Lee ay pangunahing akusado sa panggagantso umano sa mga miyembro ng Pag-IBIG na umaabot sa P6.6 billion housing loans sa Bacolor at Mabalacat, Pampanga noong 2008-2011.
Kasama sa mga kinasuhan ng Department of Justice ang kanyang anak na si Dexter Lee, GA officers Christina Sagun and Cristian Salagan at Pag-IBIG Fund legal department employee Alex Alvarez dahil sa syndicated estafa. Noon pang 2011 nagtago si Lee nang maglabas ng Warrant of Arrest ang San Fernando, Pampanga Regional Trial Court (RTC) Branch 42. At nito ngang Marso 6 natiyempuhan siya ng Task Force Tugis ni Capa at dinala sa Camp Crame. Malaking alwan pa nga kay Lee ang pagkakaaresto dahil hindi man lamang siya pinosasan nang isakay sa mobile car patungong Camp Crame. Dito na nagsimula ang kati ng katawan ni Capa dahil maraming matataas na personalidad ang lumutang at kinuwestiyon ang pagkaaresto kay Lee. Subalit buong tapang na nanindigan si Capa dahil armado sila ng warrant of arrest.
Ang masakit bumaba ang moral ng PNP sa naging kautusan ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima sa pagtalaga kay Capa bilang Ex-O (Executive Officer) ng Region-7. Kasi nga ayon sa aking mga nakausap mukhang may milagro sa pagkakatapon kay Capa. Ayon sa kausap ko, “Bakit naman ipatatapon si Capa sa Cebu kung talagang promotion ang nais ni Purisima.†Maraming bakanteng puwesto na dapat puwestuhan. Puwede siya sa Supervisory Officer for Security and Investigation Agencies (SOSIA), Eastern Police Director (EPD), chief of Directorial Staff of the National Capital Region Police Office (NCRPO) at deputy chief of the Civil Service Group (CSG).
Kaya maraming mga high profile criminals ang namamayagpag ngayon dahil sa ganitong kalakaran sa PNP. Abangan!
- Latest