Kuwaresma
Pumasok na tayo sa panahon ng Kuwaresma. Sinimulan ito noong Miyerkoles ng Abo. Ito ang 40 araw ng ating paghahanda sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ito rin ang panahon ng ating pagsisisi sa pagkakasalang minana sa unang magulang.
Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok, hiningahan at nagkaroon ng buhay. Isang paalaala sa atin na ang paghinga ang pinaka-mahalagang bahagi ng buhay. Pumasok ang diyablo sa ahas at tinukso si Eba upang kainin ang ipinagbabawal na bunga na sila raw ay magiging parang diyos at malalaman nila ang mabuti at masama.
“Poon, iyong kaawaan kaming sa iyo ay nagsisuway.†Sa pagdami ng pagsuway ay lalong dumami ang kaloob na kapatawaran. Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao kaya simula noon pumasok na rin ang kamatayan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao, si Hesus ay kinahabagan Niya tayong lahat at pinawalan ng sala matapos ang ating lubusang pagsisisi at paghingi ng kapatawaran. Apatnapung araw na nag-ayuno si Hesus at pinaglabanan ang mga tukso na gawing tinapay ang mga bato; na magpatihulog mula sa tuktok ng templo at ibibigay ang kaharian ng sanlibutan kung magpapatirapa kay Satanas.
Sumagot si Hesus na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos; Huwag subukan ang Panginoong ating Diyos at sinabi ni Hesus kay Satanas: “Lumayas ka, ang iyong Diyos at Panginoon lamang ang sasambahin mo at paglilingkuran.†Sa mga nangyayari sa ating buhay ngayon at sa kapaligiran na maraming natutukso sa kamunduhan, materyal na bagay, salapi at mga pagnanakaw sa kayamanan ng bayan, Panginoong Ama, patawarin mo kami sa aming mga kasalanan!
Ngayon ay Migrants’ Sunday. Ipanalangin natin ang milyon-milyon overseas Pilipino contract workers at kanilang pamilya upang lagi silang magkaisa. Sila ang diaspora!
Genesis 2:7-9, 3:1-7; Salmo 50; Roma 5:12-19 at Mateo 4:1-11
- Latest