Hindi krimen ang magpahayag
MAY kasabihan na mas mabuting magkaroon ng isang abusadong mass media kaysa isang “nakabusal†ang bibig. Naniniwala ako rito.
Totoong may mga kagawad ng media na madalas umabuso sa kalayaan ng pamamahayag. Sa halip na isyu ang pinupuna ay nagiging personal nang masyado ang banat. Ang ano mang kalayaan ay laging may kaakibat na pananagutan kaya kung kami sa media ay nagkakamali, dapat din na may kaakibat na sanction kaugnay nito.
Ngunit ang sanction ay hindi dapat maging pagkabilanggo na animo’y isang kriminal ang media practitioner dahil may binatikos na opisyal ng pamahalaan.
Ang problema nga lang, marami sa mga binabatikos ng media ay balat-sibuyas. Agad nagsasakdal ng libel laban sa mga manunulat na pumupuna sa kanila. May mangilanngilan na ring nasentensyahang nagkasala at bagamat hindi naman nakulong kundi nagmulta lang ay mayroon nang criminal record.
Kung ang mga mambabatas ay malayang tumuligsa kanino man, kahit sa kapwa nila mambabatas sa mga privilege speech, dapat may ganyang laya rin ang mga mamamahayag. Obligasyon kasi ng media sa publiko na isiwalat ang mga katiwalian nangyayari sa loob at labas ng pamahalaan.
Ang pagpuna o pagbatikos ay hindi kailanman isang krimen na dapat parusahan ng pagkabilanggo. Katunayan, ito ay isang karapatan at kalayaang ginagarantiyahan ng Saliganbatas. Kaya nakatutuwang malaman na dumarami umano ang bilang ng mga senador na pabor sa decriminalization ng libel.
Ayon kay Sen. Ralph Recto matapos ang pagdinig sa panukalang amiyendahan ang Cybercrime Prevention Act of 2012 o Republic Act No. 10175, dumarami ang mga senador na pabor na tanggalin ang libel hindi lamang sa online o social networking kundi sa iba pang uri ng media. Ngunit nilinaw ni Recto na hindi naman puwedeng tanggalin ang libel sa anti-cybercrime law at sa Revised Penal Code.
Ayon kay Recto, pinag-aaralan na ang panukalang batas na bubuo sa “Magna Carta for Philippine Internet Freedom†. Pero sabi ni Recto, ito ay sasailalim sa mahabang usapin dahil may pagka-komplikado.
Huwag naman sana ito’ng harangin ng ibang opisyal ng gobyerno na gustong ikubli ang kanilang mga katiwalian dahil katumbas niyan ay pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag.
- Latest