Chinese nickel miners sa Zambales palayasin
SOBRA na ang pambubusabos ng China sa mga Pilipino. Hindi sila nakuntento sa pag-agaw sa Bajo de Masinloc (Panatag o Scarborough Shoal) nu’ng 2012. Nitong Enero, binomba ng Chinese coast guards ng water cannons ang limang bangka ng mangingisda mula Zambales na kumubli sa loob ng shoal mula sa bagyo.
Daan-taon nang pangisdaan ng mga taga-Luzon ang bahura, na 123 nautical miles lang mula sa bayan ng Masinloc, Zambales. Pero inaangkin ito ng China batay sa imbentong “sinaunang mapa.†Okupado na raw ito ng mga Tsino mula’t sapul, bagamat mahigit 600 nautical miles ito mula sa mainland, at lubog ito tuwing high tide.
Kung gan’un ang igagawi ng China sa mga Pilipino, lalo na sa taga-Zambales, dapat lang turuan sila ng leksiyon. Palayasin din mula sa Zambales ang Chinese nickel miners.
Dalawang pinsala ang dulot ng Chinese miners. Una, sa panloob ng Pilipinas. Winawasak nila ang kalikasan, sa pagtibag ng mga bundok sa Sta. Cruz at mga karatig-bayan. Kinalbo ang kagubatan, at pinutikan ang mga ilog at tubig dagat sa pagkuha ng nickel ore. Wala nang maani na pagkaing dagat. Nagkakasakit pa ang mga taga-roon sa usok ng libu-libong dump trucks na naghahakot ng ore patungong pantalan.
Winawasak din ang ekonomiya at kaayusan. Hindi nagbabayad ng buwis ang Chinese miners. Suhol lang ang ibinibigay nila sa mga “bagong Makapili†sa kapitolyo at presinto na nagpoprotekta sa kanila.
Ikalawa, sa panlabas, ginagawang sangkap sa steel at telecoms industry ng China ang nickel. Kasama sa mga produktong ginagawa nila ay mga armas, barko, at surveillance systems na ginagamit para agawin ang teritoryo ng Pilipinas, at bugawin ang mga mangingisda.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest