Marangal na pamana
Nakuha ng Pilipinas ang Guinness record para sa pinakamaraming lumagda para maging organ donor. Tinalo natin ang record ng India. Naglunsad ang Philippine Network for Organ Sharing (PhilNOS) kasama ang DOH ng programa para mahikayat ang marami na ma-ging organ donor. Ipinaliwanag na ang anumang bahagi ng kanilang katawan na kanilang ipinangako ay hindi makukuha habang sila ay buhay. Makukuha lamang kapag sila ay pumanaw na, para mapakinabangan ng iba. Napakaganda at marangal na pamana na maiiwan kapag pumanaw na, hindi ba?
Sa totoo lang, hindi pa gaano tanggap ang pagbigay ng mga bahagi ng katawan para magamit ng ibang tao kapag namatay na. May mga pamahiin pa rin kasing umiiral sa maraming Pilipino. Sa ibang bansa, may mga programa kung saan nasa computer ang mga lumagda para mahango ang kanilang organs sakaling mamatay na sila. Lahat nang impormasyon tungkol sa kanila ay nasa computer para alam agad na sila’y sang-ayon sa pagdo-donate ng bahagi ng kanilang katawan. Ito ang nais gawin ng PhilNOS at DOH ang magkaroon ng database ng mga posibleng donor sa Pilipinas.
Maraming Pilipino ang nangangailangan ng bato. Mga Pilipino na sa ngayon ay nakasalalay ang buhay sa mga dialysis machine na naglilinis ng kanilang dugo. Ayon sa DOH, isang Pilipino ang namamatay dahil sa sakit sa bato kada oras. At higit 10,000 ang nangangailangan ng kidney transplant bawat taon. Mahaba ang pila sa kahihintay ng tamang donor para sa kanila.
Maganda at naging matagumpay ang programa ng paglista ng mga potensiyal na donor. Pero sana ay maging mas matagumpay ang aktwal na paggamit ng organs kapag puwede nang ibigay. Madali magpalista, ika nga. Minsan mas mahirap kapag gagawin na ang pagdo-donate. At tandaan, hindi lang dapat ang mga nagpalista ang sang-ayon sa pagkuha ng kanilang mga organ, kundi pati na rin ng mga kapamilya nila. Baka sila naman ang hindi pumayag sa nilagdaan ng donor, dahil na rin sa pamahiin.
- Latest