EDITORYAL - Basura mula sa Canada
NAKAKADIRI ang laman ng 50 container vans na galing sa Canada. Mga basura! Kabilang ang plastic bags, containers, bote ng chemical at adult diapers, yukkk! Mga hazardous wastes ang laman! Maski ang mga officials ng Bureau of Customs (BOC) ay napaatras nang buksan ang mga nakumpiskang container vans. Binuksan ang mga van noong Pebrero 10. Ayon sa BOC, ang shipment ay dineklarang “plastic scraps†na ire-recycled umano sa Pilipinas. Nagkakahalaga ang basura ng $222,800.15 o mahigit P10 milyon. Umano’y isang kompanya sa Valenzuela City ang consignee ng mga basurang galing sa Canada. Hanggang ngayon, hindi pa umano lumulutang ang may-ari ng kompanya na umangkat ng basura.
Ang Canada ay kilala na taga-sulong at bumabatikos sa mga pumipinsala sa kapaligiran. Aktibo ang Zero Waste Canada para mapangalagaan ang kanilang bansa at ang mundo sa kabuuan. Pero sa nangyaring nagpadala sila nang napakaraming basura (na nakakamatay at nakapipinsala), parang lumalabas na pakitang tao lamang ang kanilang pag-laban sa mga sumisira sa kapaligiran o kalikasan.
Hindi kaya dumaan sa mahigpit na inspeksiyon ang mga ipinadala nilang basura? Sobrang dami ng mga halu-halong basura. Hindi kaya nila alam na bawal ang mag-shipped ng mga ganitong bagay dahil mapanganib sa buhay ng mga tao. Paano kung mayroong hospital wastes? Kakalat ang sakit dito at walang kalaban-laban ang mga Pilipino. Walang nakaaalam na unti-unti na palang kumakalat ang sakit dahil sa mga basurang imported.
Lagi na lamang pinagtatambakan ng mga basura ang bansa. Noong 2012, isang US Naval ship ang nagtapon ng toxic wastes sa Subic Bay. Sabi ng contractor na nagtapon ng toxic wastes, sumailalim naman daw iyon sa treatment process kaya hindi delikado. Pero nabulgar na wala namang treatment facilities ang barko. Hanggang ngayon, wala nang balita kung pinagbayad ng gobyero ang US Naval ship sa tinapon nilang toxic sa karagatan. Maaaring hindi, katulad din nang hindi nila pagbabayad sa nasirang corals sa ating karagatan nang sumadsad ang kanilang barko.
Tambakan din ng mga luma at kakarag-karag na sasakyan (mga bus) mula Japan, Korea at China ang bansa. Hindi nakapagtataka kung bakit laging may bus accident sa bansang ito at marami ang namamatay.
Kumilos sana ang gobyerno para hindi gawing basurahan ang Pilipinas.
- Latest