EDITORYAL - Sunod-sunod na aksidente
Ang aksidente sa sasakyan ang No. 5 killer sa bansa ngayon. Batay sa report, mas marami pang namatay sa aksidente kaysa namatay sa diabetes at tuberculosis.
Noong nakaraang linggo, sunud-sunod ang mga nangyaring aksidente sa sasakyan. Pebrero 7 (Biyernes), nahulog sa bangin ang Florida Bus habang palusong sa kurbadang bahagi sa Bontoc, Mountain Province. Nawalan umano ng preno ang Florida. Labing-apat na pasahero ang namatay. Kinabukasan (Sabado), isang pampasaherong jeepney na may 52 pasahero ang nahulog sa ba-ngin sa Licuan-Baay, Abra. Limang pasahero ang namatay. Nawalan din daw ng preno ang jeepney.
Noong nakaraang taon, marami ring aksidente sa sasakyan ang naganap na ikinamatay din nang maraming pasahero. Nagdayb ang Don Mariano Transit Bus sa Skyway noong Disyembre 16, 2013 na ikinamatay ng walong pasahero. Bago iyon, may isa pang bus na nahulog din sa malalim na kanal sa STAR Toll Way, Batangas City na ikinamatay ng dalawang pasahero. Noong 2011, naireport na 77,110 aksidente ang naganap sa Metro Manila, ayon sa MMDA.
Maraming buhay na ang nasayang dahil sa aksidente. Karaniwang dahilan ng aksidente ay ang mechanical trouble ng sasakyan. Mayroong nawalan ng preno at mayroon din namang dahil sa kapabayaan at kamangmangan ng driver. Napakasakit isipin na namatay ang mga pasahero dahil sa kawalan ng sapat na maintenance ng sasakyan at dahil na rin sa kamangmangan o walang kasanayan ang driver.
Sa aming palagay, ganap na maiiwasan ang aksidente sa sasakyan kung seryosong ipatutupad ng LTFRB ang pagwalis sa mga lumang sasakyan. Huwag nang bigyan ng prankisa ang bus company kung hindi susunod sa patakaran na ang mga lumang sasakyan na 15 taon pataas ay hindi na hahayaang bumiyahe. Isaayos din ang mga kalsada na may mga kaukulang babala. Tutukan din ang pagsasanay sa mga bus driver. Huwag bigyan ng lisensiya ang mga driver na walang kasanayan sa pagmamaneho. Idaan sila sa “butas ng karayomâ€.
- Latest