EDITORYAL - Bilisan ang imbestigasyon sa pork barrel scam
NOONG nakaraang taon pa usap-usapan ang pork barrel scam na minaniobra ni Janet Lim Napoles. Nakapiit na si Napoles. Marami pang hinakot na ebidensiya ang Department of Justice at marami pa raw ang kakasuhan kaugnay sa pork barrel o ang Priority Development Assistance Fund (PDAF). Tatlong senador ang kinasuhan dahil sa maanomalyang paggamit ng pondo sa pamamagitan ng mga pekeng NGOs ni Napoles. Ang tatlo ay sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon Revilla Jr.
Noong Huwebes ay isinalang si Ruby Tuason, dating social secretary ni dating President Erap Estrada at dinetalye kung paano niya dinadala ang pera kay Jinggoy. Si Tuason ay isa sa mga kinasuhan kaugnay sa pork barrel scam pero naging state witness na ngayon. Handa raw siyang ibalik ang milyon na naging komisyon niya. Ang pagkapahiya raw sa kanyang pamilya at mga apo ang dahilan kaya lumantad na siya.
Pera ng taumbayan ang pinag-uusapan dito. Maraming interesado sa kasong ito sapagkat bilyon piso ang naibulsa ng mga inaakusahan. Habang marami ang naghihirap, walang makain, walang matirahan, marami ang maysakit, mara-ming tinamaan ng kalamidad at kung anu-ano pang mga kadahupan sa buhay, kinukurakot lang pala ang pera sa kaban. Pinagpapasasaan lang ng mga matatakaw at walang kabusugan.
Kung maraming ebidensiya laban sa mga inaÂakusahan, bakit hindi ilantad na para mabilisan ang pag-usad ng kaso. Nangyayari tuloy ay parang pinagpipistahan lamang ang hearing. Walang nararating at paiku-ikot lang. May mga senador na may kinikilingan sa pagtatanong. Hindi sana magamit ang pag-iim-bestiga sa nalalapit na presidential elections. Bilisan para malaman kung sino ang mga nagsisinungaling. Matutuwa ang taumbayan kung mayroong mapaparusahan sa kasong ito. Marami nang inimbestigahang katiwalian ang Senado pero wala ring narating.
Sa pagkakataong ito, dapat mayroong makita ang taumbayan at hindi lang sapat ang pinanonood sa telebisyon ang balitaktakan. Mas may maganda sanang mangyari sa kasong ito sapagkat pera ng taumbayan ang sangkot.
- Latest