Nasaan na naman ang mga pulis?
NASAAN kaya ang mga pulis ng Southern Police District nitong weekend, ito ang katanungan ngayon sa Pasay City. Mantakin n’yo, dalawang ambush ang naganap sa siyudad ni Mayor Antonio Calixto na hanggang ngayon blanko pa rin ang mga pulis doon. Ano ba ‘yan PNP chief Dir. Gen Alan Purisima at NCRPO director Marcelo Valmoria? Wala na bang kalutasan ang pananalakay ng mga riding-in-tandem? Wala na ba kayong kakayahan na mabigyan ng proteksyon ang mamamayan?
Noong Sabado, 4:30 ng hapon, pinagbabaril ng mga riding-in-tandem ang pamilyang Sy sa kahabaan ng Andrew Avenue, ilang metro lamang ang layo sa NAIA Terminal-3. Malubhang nasugatan ang mag-asawang Minjiang Sy at Kim Sham Hong. Tinamaan sila sa ulo at katawan na hanggang ngayon ay nakaratay sa ospital. Masuwerteng nakaligtas ang dalawa nilang anak na sina Jai Mae at Wesley.
Makalipas ang ilang oras muling umatake ang riding-in-tandem. Ang pinuntirya ay si PO2 Alih Butal sa Legaspi corner Aurora Street. Napag-alaman ko, angkas ni Butal ang kanyang dalawang anak patungo sa simbahan nang tambangan ng riding-in-tandem. At katulad ng sinapit ng pamilya Sy wala na namang alam ang Pasay City Police sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ang tanong ng sambayanan, nasaan ang mga pulis ni SSupt. Florencio Ortilla ng Pasay City Police at ang deployment ni NCRPO director Valmoria.
Noong mapatay sa ambush si Zamboanga del Sur mayor Ukol Talumpa sa arrival area ng NAIA Terminal-2 nagkalat ang mga pulis ni Valmoria at SPD Director CSupt. Jet Villacorte sa lahat ng kalye sa Pasay City. Subalit mu-ling naglaho ang mga pulis kaya balik na naman sa panana-lakay ang riding-in-tandem sa lungsod ni Calixto.
Tama ang bulung-bulungan na lilitaw lamang ang mga pulis kapag may pinapatay sa lugar at oras na lumamig ang isyu, unti-unti na naman silang mawawala sa kalye. PNP chief Purisima, NCRPO director Valmoria, SPD director Villacorte at Pasay City Police chief Ortilla kailangan pa bang may magbuwis muna ng buhay bago ninyo magampanan ang serbisyo sa sambayanan? Panahon na para tutukan n’yo ang seguridad sa kapaligiran ng Terminal-3 para umangat ang ating tourism industry. Kung patuloy ang pananambang tiyak na lalayo na naman ang mga turista sa ating bansa.
Abangan!
- Latest