Salamat po!
IDINAOS kahapon ang 2nd Horse Racing Cup ng Manila Police District Press Corps (MPDPC) sa Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) sa Malvar, Batangas. Nilahukan ito ng mga kabayong Mahiwaga, Birthday Gift, Boundary, Freaky at Satin Lace. Umalingawngaw ang sigawan ng mga mananaya na kinabibilangan ng mga dayuhan. Hindi ko naitala ang nanalo sa karera dahil deadline ng aking kolum, pero tiyak ko na parehas ang laban at walang lutuan, hehehe!
Nais kong pasalamatan si Chairman Angel L. Castano Jr. ng Philippine Racing Commission (Philracom). Ang nalikom naming pondo ay muli naming gagamitin sa taunang medical mission na ang nabibiyayaan ay mga miyembro at pamilya ng MPDPC, mga pulis sa MPD at kanilang mga pamilya at limang barangay na nakapaligid sa MPD headquarters sa Ermita, Manila. Gagamitin din ang pondo na pantustos sa bayarin sa communication facilities. Ito ang pangalawang pakarera ng aming organisasyon sa tulong ni Philracom chairman Castano na sinuportahan nina Executive Racing director Jesus B. Cantos, Commissioner Eduardo B. Jose, Comm. Reynaldo G. Fernando, Comm. Victor Tantoco, Comm. Lyndon Guce at Comm. Franco Loyola.
Hindi naman sa pagbubuhat ng bangko mga suki, mula nang pamunuan ko ang MPDPC itinuring ito na high tech sa lahat ng press corps sa Metro Manila at hindi pabigat sa mga opisyales ng MPD. Wala kaming inobliga o binrasong opisyales sa MPD para makalikom ng pera para sa aming proyekto. Humingi ako ng tulong sa Philracom upang makalikom ng pondo na magagamit sa parehas na pamamaraan. Ang mga tulong ay nagmumula sa mga taong may puso na naghahangad ng malinis at patas na pamamalakad ng organisasyon tungo sa matuwid na pagbabago. Kaya naman sa tuwing may pa-medical mission kami, agad na sinusuportahan ito ng Philracom Board of Trustees, ni Kuyang Daniel Razon ng UNTV at Bro. Eli Soriano ng Dating Daan.
Hindi basta-basta itong aming pa-medical mission mga suki dahil kung susumahin mahigit sa 2,000 katao taun-taon ang aming natutulungan sa pagbibigay ng medical check-ups, libreng gamot, attorneys at spiritual counseling dahil na rin sa walang kapagurang presensiya ng “Kawanggawa Foundation Inc. (KFI) simula pa noong 2011. Sa mga walang sawang tumutulong sa amin sa MPDPC, maraming salamat po!
- Latest