^

PSN Opinyon

‘Walang signal’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

YUNG hindi mo makita ang iyong mahal sa buhay at ‘di man lang marinig ang kanyang tinig… daig pa nito ang pinipilipit ang iyong utak, kung ano na ba ang nangyayari sa kanya?

“WALA naman kaming problema ng misis ko. Ang usapan tatawag siya kahit minsan sa isang buwan pero ‘di natupad…” hinaing ni ‘Weng’,

Nagpunta sa aming tanggapan si Rolando ‘Weng’ Arabit, 31 anyos ng Dela Paz, Pasig. Pinoproblema ngayon ni Weng ang ‘di na pagtawag  sa kanya ng asawang si Evangeline ‘Evan’ Arabit, 31 taong gulang . Kasalukuyang Domestic Helper (DH) sa bansang Malaysia.

Sampung taon ng kasal si Weng at Evan. Enero 25, 2004 ng ikasal sila.

‘Saleslady nun si Evan. ‘Gasoline boy’ naman si Weng hanggang naging traysikel drayber.

“Naging tanod din ako ng barangay namin. Nitong huli na lang ako umalis,” kwento ni Weng.

Nagkaroon sila ng tatlong anak. Siyam na taon ang kanilang pa­nganay habang sampung buwan pa lang ang kanilang bunso.

Aminado si Weng na may pagkakataong nagigipit silang mag-asawa dahil sakto lang ang kinikita niya sa pamamasada.

Taong 2013, nahikayat si Evan ng isang kapitbahay na si “Jean” na magpunta sa Malaysia. Tinulungan siya ng ahensyang Verdant Manpower Mobilization Center Inc. sa Tomas Morato para makaalis ng bansa.

Pinaghandaan nilang mag-asawa ang una niyang alis. Nanghiram sila ng pera sa PJH Group, nagpapautang ng halagang Php30,000.  Ang kanyang tiyuhin na si Antonio Reyes ang tumayong ‘guarantor’

“Ginamit namin ang pera pambili ng mga gamit ni Weng papuntang Malaysia. Isinabay na rin namin ang mga gamit ng bata,” wika ni Weng.

Umupa rin ng maliit na kwarto sina Weng at bumukod na sa bahay ng biyenan sa Santolan, Pasig.          

Ayon kay Weng, noon pa lang gustong-gusto na ni Evan na magtrabaho sa labas ng bansa dahil Overseas Filipino Worker’s (OFW) ang kanyang mga kapatid. Ika-7 ng Nobyembre 2013… umalis ng Pinas si Weng.                

“Chai Lee Tyng daw ang pangalan ng kanyang amo. Tumawag siya nung unang dating niya dun. Okay naman siya,” ayon kay Weng.

Kikita ng Php16,000 si Evan kada buwan sa loob ng dalawang taon. Buwan ng Desyembre ng magpadala siya ng pera sa kanyang mag-aama ng Php14,000.

“Papa,  bahala ka na munang pagkasyahin yan. Sa bagong taon tatawag ako,” pangako ng misis,

Dumating ang Bagong Taon, hindi tumawag si Evan. Inakala ni Weng na walang load ang misis kaya naman ni-loadan niya ito, ‘di pa rin ito nag-‘reply’ sa kanya. Nag-alala si Weng subalit inisip niyang baka naman ‘busy’ lang ang asawa.

Dumaan ang mga araw wala na siyang natanggap na tawag, ni text galing sa misis. Agad siyang nagpunta sa Verdant Manpower Mobilization Center Inc. para iparating ito. Nakausap niya si Eliza “Liza” Briones, ‘recruitment officer’.  Sinabi raw nito sa kanyang tatawagan nila ang ahensya ni Evan sa Malaysia para makipag-ugnayan sa kanyang misis.

“Papatawagin daw niya agad sa’kin ang misis ko,” sabi ni Weng.

Ika-15 ng Enero kasalukuyang taon, tumawag kay Weng ang apat na iba’t ibang numero. Nabosesan niya raw na misis niya ang tumatawag subalit wala siyang naintindihan sa sinasabi ito dahil putol-putol ang linya.

“Ma… choppy ka. Wala akong maintindihan,” sabi ng mister.

Agad niyang tinext si Liza at sinabing tumawag nga ang misis subalit ‘di naman niya ito nakausap, nawawala ang signal. Sinabi ng ahensyang ipa-‘follow up’ nila ang kanyang reklamo subalit wala pa rin daw nangyayari.

Pinarating na ni Weng ang nangyari kay Evan sa kanyang biye­nang si Celsa. Ilang araw lumipas, sinabi ng biyenan nakausap nila si Evan parehong araw pagtawag nito kay Weng. Maayos naman daw ang kundisyon nito dun.

‘Wag na raw akong mag-alala… pwede ba yun?” pag-aalala niya.

Tinanong ni Weng ang biyenan kung nagbigay ba ng dahilan si Evan kung bakit ‘di ito tumawag sa kanya. ‘Di rin naman alam ng biyenan ang dahilan.

Kasalukuyang namamasada ng traysikel si Weng. Naiwan sa kanya ang dalawang anak habang nasa biyenan niya ang bunso.

Malakas ang pakiramdam ni Weng hindi maayos ang lagay ng misis kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan.

“Sa totoo lang po gipit at ipit po ako. Inaalala ko din ang asawa ko. Kung ano na ba talagang nangyari sa kanya?” pahayag ni Weng.  

Itinampok namin si Weng sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ, AM BAND (Lunes-Biyernes mula 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

PARA kami’y maliwanagan, sinubukan naming kausapin sa radyo ang Verdant Manpower Mobilization Center Inc. Nakontak namin si Liza subalit ayaw nitong magpa-ere. Ayon sa kanya, nahulihan daw ng ‘employer’ ng ‘cell phone’ itong si Evan kaya’t hinigpitan. Pinagbabawal daw kasi ng amo nito ang paggamit ng cellphone.

Hindi kami nakakuha ng sapat na impormasyon dito sa ahensya kaya’t minabuti naming i-email lahat ng it okay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) para maiparating sa ating embahada sa Malaysia para mapuntahan ang Pinay at alamin ang totoong kundisyon nito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, diresto namin tinanong si Weng kung wala ba silang pag-aaway nitong si Evan dahil nagtataka kami kung bakit nagawa niyang makausap ang kanyang ina habang siya’y hindi. Ayon kay Weng, maayos naman daw ang relasyon nilang mag-asawa.

Unang beses na umalis ng bansa si Evan at wala silang problema. Pinaliwanag namin sa kanyang marahil kaya siya ganun kaalala ay dahil unang beses niya mawalay sa misis at meron talagang mahigpit na amo na ipinagbabawal ang pagamit ng cellphone. Ganun pa man, amin ng pinarating ang problemang ito sa ating embahada para tiyaking maayos ang lagay ni Weng sa Malaysia.         

Nitong huli nagbalik sa amin si Weng. Tumatawag na raw si Evan at nakikusap na siya’y pauwiin dahil tatlong bahay daw ang pinalilinis sa kanya. Bagay na aming ipaparating muli sa ating embahada.

Dapat din sabihin ito sa kanyang agency dahil hindi ganun ang nakasaad sa kanyang kontrata. Kapag ‘di sila kumilos maaari silang i-report sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sila ay ipatawag at kung meron silang pagkukulang, mapatawan ng karampatang multa o parusa.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  O tumawag sa 6387285 / 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

EVAN

KANYANG

MISIS

NAMAN

NIYA

PARA

VERDANT MANPOWER MOBILIZATION CENTER INC

WENG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with