Turuan at sisihan sa gobyerno
PERSEPSYON na ng publiko at mga nakaupo sa pamahalaan na kapag nagkakawindang-windang ang usad ng kaso, inginunguso agad ang sisi sa hudikatura. Laging dahilan ang mabagal na criminal justice system sa bansa.
Sa Pilipinas, may tatlong sangay ang pamahalaan --- Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura. Nasa ilalim ng Ehekutibo ang mga nagpapatupad ng batas. Dapat maunawaan ng publiko na sa anumang uri ng kaso, nagsisimula ang lahat sa pag-iimbestiga at pagkalap ng mga ebidensya ng law enforcement agencies.
Kaya, kung sa umpisa pa lang bara-bara na ang mga alagad ng batas sa imbestigasyon, talagang mababasura ang kaso sa hukuman. Sa puntong ito, hindi puwedeng ibunton ang sisi sa korte.
Nananawagan ngayon si Senate President Franklin Drilon na dapat magkaisa at magtrabaho sa parehong lebel ang mga nasa Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura.
Mukhang naiintindihan ng senador ang problema. Pero, nandoon pa rin ang kanyang paninisi sa Hudikatura partikular sa “hoodlums in robes.†Totoong maraming mga nababayarang hukom. Subalit, hindi lang ito sa Hudikatura. Nagkalat din ang “hoodlums in robes†sa Ehekutibo at Lehislatura. Satsat sila nang satsat, kanya-kanyang turuan at sisihan, hindi nila naiintindihan na mismong sila, kabahagi rin ng problema.
Hanggat hindi nakikita ng tatlong instistusyon kung saan at ano ang ugat ng problema, hindi ito mareresolba. Kung magsasama-sama lang ang tatlong sangay ng gobyerno laban sa katiwalian, siguradong mag-iisip munang mabuti ang mga masasamang-loob at kriminal bago gumawa ng krimen.
Simula pa nitong nakaraang linggo sentro na ng programa ko sa BITAG Live ang mga kahinaang ito ng gobyerno. Hangga’t may mga nakikitang, kapalpakan, kahinaan at kakulangan sa pamahalaan, patuloy na magsasalita ang BITAG sa mga isyung dapat malaman ng mamamayan.
- Latest