EDITORYAL - Parusang kamatayan sa dayuhang drug traders
NAGIGING “bagsakan†ng illegal drugs ang Pilipinas. Mula rito, dadalhin ang drugs sa iba pang bansa sa Asia. Ang matindi pa ngayon, dito na sa bansa gumagawa ng laboratoryo ang mga dayuhan. Maraming shabu laboratories sa Metro Manila na inooperate ng mga dayuhan. Wala na silang takot sa paggawa at pamamahagi ng illegal drugs. Isang dahilan kung bakit hindi na nasisindak ang dayuhang drug traders ay dahil mahina ang batas sa Pilipinas. Habambuhay na pagkakulong ang parusa.
Dati, sa mga apartment sa subdibisyon nagma-manufacture ng shabu ang mga dayuhan pero ngayon, sa mga condominium na. Kamakailan, sinalakay ng PDEA ang isang condo unit sa Global City Taguig at Makati at nakakumpiska nang malaking halaga ng shabu. Ayon sa PDEA, nakapasok na sa bansa ang notorious drug syndicate sa Mexico. Nakakumpiska rin ng shabu sa isang farm sa Lipa, Batangas kamakailan na ayon sa mga awtoridad ay konektado rin sa Mexican drug syndicate.
Marami nang dayuhan na nahuli dahil sa pagpapasok ng illegal na droga sa bansa at lahat sila ay pawang nasa kulungan. Karamihan ay mga miyembro ng African drug syndicate. Ilan sa kanila ay nilulunok ang droga (heroine) para lang maipasok sa bansa pero nahuhuli rin.
Isang panukalang batas (House Bill 1213) ang isinusulong ngayon sa Kongreso. Ito ay ang pagbitay sa mga dayuhang drug trader. Sa ilalim ng panukala, pawang mga dayuhan lang ang bibitayin. Ang panukalang batas ay inihain nina Cagayan de Oro Reps. Rufus at Maximo Rodriguez. Ang pagbitay lamang umano sa foreign drug traders ang makapipigil sa talamak na problema sa illegal na droga.
Sa bangis ng mga dayuhang drug traders, siguro’y ang pagbitay na nga ang nararapat. Ito ang kasagutan sa lumalalang drug problem sa bansa. Kung maaaprubahan ang panukalang bitay, maaaring matakot ang mga dayuhang drug traders. Dapat isulong na ang panukala.
- Latest