Pambihira silang public servants
KATANGI-TANGI sina Congresswoman Lei Robredo ng Camarines Sur at Climate Change Commissioner Naderev Saño. Kakaiba sa libo-libong opisyales ng pambansang pamahalaan, nagpa-pampublikong sasakyan lang sila kalimitan. Nagbu-bus o tren lang si Robredo, biyuda ni nasirang interior secretary Jesse Robredo, kung umuwi sa Naga City mula Maynila. Si Saño, nagme-metro rail at tricycle lang papasok araw-araw sa opisina sa Malacañang. Katulad siya ng walo sa bawat sampung taga-Metro Manila na nagko-commute lang dahil walang sariling kotse.
Kasing-simple sila nina dating congressmen Manuel “Way Kurat†Zamora ng Compostela Valley, at Crispin Beltran ng labor sector. Magsasaka sa probinsiya si Zamora, at nagbibisikleta lang papasok sa Batasan mula sa maliit na apartment hindi kalayuan. Lider Obrero si Beltran, na namatay nang mahulog mula sa bubong ng bahay na sarili niyang tinatagpian.
Isa pang pambihirang opisyal si dating senador Rene Saguisag. Hindi niya hinangad mahalal muli, inatupag habang nasa puwesto ang paghihigpit sa pondo ng gobyerno, at nakitira lang sa bahay ng biyenan. Nasawi ang asawa niyang si Dulce sa aksidente sa daan, pero hindi na nag-ingay si Saguisag.
Sa Europe pangkaraniwan lang ang mga pambansang opisyales na nagme-metro o tren o bus o bisikleta lang papasok sa parliament o executive office. Masasabing dahil mahusay ang public transport system nila. Pero naroon din na mapagkumbaba sila, walang ere o hilig sa karangyaan. At naroon na hangad nila makasalamuha araw-araw ang ordinaryong mamamayan. Simpleng US president (1945-1953) din si Harry S. Truman. Nang matapos ang termino, nagmaneho lang silang mag-asawa paalis ng White House tungo sa bahay ng biyenan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest