Gobyerno sa loob ng Bilibid
SA maximum security compound ng National Bilibid Prison, nakakulong ang mga high-risk criminal. Sila ang mga notoryus at pusakal na kriminal na sinentensyahan ng habambuhay na pagkakabilanggo.
Subalit, dahil mayroong mga “koneksyon†sa “loob†at labas ng bilangguan, namumuhay pa rin ng ‘normal’ at nagagawa pa nilang magtayo ng sariling ‘gobyerno.’
Panahon pa lang ni dating NBP Director Dionisio Santiago, nalantad na ang ganitong kalakaran sa ‘loob.’ Ang mga nangangasiwa ng ‘gobyerno,’ mga malalaking personalidad, maimpluwensya at mayayaman na sangkot sa ilegal na droga. Kaya nilang bayaran at makipagkutsabahan sa mga tiwaling opisyal at prison guard ng Bureau of Corrections sa ngalan ng salapi.
Nitong mga nakaraang araw, kinumpirma ng isa sa mga ahente ng Department of Justice na tuloy pa rin ang iregularidad sa mistulang ‘high-end subdivision.’ Hindi na nila kailangan pang lumabas ng Bilibid para lang mapagbigyan ang makamundo nilang pagnanasa. Sa gabi, ipinupuslit umano sa kanilang mga air-conditioned room ang mga mamahaling alak at mga sex worker na tinatawag nilang “tilapia.†Bawat “tilapia†nagkakahalaga ng P50,000 hanggang P200,000 sa kanilang serbisyo.
Sa araw naman, makikitang malayang pagala-gala sa 12-hektaryang lupain ng NBP ang mga mayayamang preso. Nagmamaneho ng golf carts o ‘di naman kaya ipinagmamaneho ng mga ‘salat’ na kapwa-bilanggo sakay ng electric motors at tricycle.
Hindi na ito bago sa BITAG.
Sa ilalim ng administrasyon ni President Noynoy Aquino, dalawang direktor na ng BuCor ang nasampolan at napatalsik sa Bilibid dahil sa mga iregularidad at anomalyang umano’y kinasasangkutan nila. Ang problema, sa halip na mapabago at maibalik sa lipunan ang mga bilanggo, parang lumalabas tuloy na sa loob ng penitentiary lalo pa silang nagiging mas masahol. Nagkakaroon na ng sariling kultura at lipunan sa ginawa nilang gobyerno.
Dapat mabantayan at matutukan ng mga nangangasiwa sa Bilibid ang matagal na at bulok na sistemang ito. Ang BuCor na nangangasiwa sa New Bilibid Prison ay direktamenteng nasa ilalim ni Justice Secretary Leila De Lima.
- Latest