Alamin ang mas masustansya
MAGBIBIGAY po ako ng dalawang pagkain at piliin ninyo kung ano ang mas masustansya? Mahuhulaan n’yo ba ang tamang sagot?
• Sabaw o ensalada.
Ang ensalada ay may kasamang gulay at kamatis na mas masustansya kumpara sa pangkaraniwang sopas. Tandaan lamang na gumamit ng light dressing o suka para sa inyong salad. Huwag punuin ng Thousand Island sauce o Caesar’s salad sauce ang inyong ensalada para hindi makataba. Mataas din sa healthy fiber ang salad.
Winner: Salad.
• Dried fruits o fresh fruits.
Ang dried fruits tulad ng raisins, dried mangoes at preserved fruits ay mga prutas na tinanggalan ng tubig ang laman. Kaya lang, mataas sa asukal at calories ang mga dried fruits. Ang mga sariwang prutas naman ay may taglay na 80% na tubig at kumpleto pa ito sa bitamina at nutrisyon. Kung tayo ay papipiliin, mas masustansya ang presko na prutas.
Winner: Fresh fruits.
• Shrimp crackers (kropeck) o nilagang mani.
Ang mani ay sadyang masustansya, dahil punumpuno ito ng protina, minerals at fats. Huwag mag-alala dahil ang taba na taglay ng mani ay good fats na kung tawagin ay monounsaturated at polyunsaturated. Bukod dito, pinapababa rin ng mani ang iyong bad cholesterol at may vitamin E pa ang mani. Ang kropeck naman ay gawa lang sa harina at mantika.
Winner: Nilagang mani.
• White wine o red wine.
Ang red wine ay may resveratrol at iba pang phytochemicals, na matatagpuan sa ubas. Ang mga kemikal na ito ay nagpapataas ng ating good cholesterol at pinapababa naman ang ating bad cholesterol. May pag-aaral na nagsasabi na baka makatulong din ang resveratrol laban sa kanser at para humaba ang ating buhay. Isang paalala lang: Para sa mga kalalakihan, huwag sosobra sa 2 wine glass ang inumin bawat araw. Para sa kababaihan, huwag sosobra sa 1 wine glass bawat araw. Ito’y dahil mas madali malasing ang kababaihan kaysa sa kalalakihan. Ngunit kung hindi naman kayo umiinom ng alak ay puwedeng huwag na lang umpisahan. Kumain na lang ng pulang ubas na may katumbas na benepisyo tulad ng red wine.
Winner: Red wine.
• Saging na latundan o lakatan.
Ang saging ay mayaman sa potassium, vitamin B, tryptophan at carbohydrates. Kailangan kumain ng 2 saging bawat araw para sa ating puso. Pero anong klaseng saging ang dapat kainin? Ang lakatan (madilaw, makapal ang balat at mas mahal) ay mas mataas sa vitamin C kumpara sa latundan (maputi, manipis ang balat at mas mura) na walang vitamin C. Kaya mas maasim ang lasa ng lakatan na saging at mas masustansya ito.
Winner: Lakatan.
- Latest