^

PSN Opinyon

‘Dikit kay bossing, todas’ (Unang bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

BATA at listo. Sa pagnanais na maging isang magaling na inhinyero… nagpasikat. Ang ‘di alam ng bagito, nakasagasa na umano siya ng biga­ting tao.

“Wala namang ibang nakaaway si Gitcho. Nabanggit niya lang minsan binantaan siya,” ayon kay ‘Rey’.

Mula pa sa Olongapo City nagtungo sa aming tanggapan ang 62 anyos na ama si Reynaldo “Rey” Go, nagba- ‘buy and sell’ at ang kinasama niyang si Carmela Capati o “Bom”, 45 anyos--isa namang ‘beautician’.

Dalawang tama ng bala sa kaliwang leeg, lusot-lusutan. Isang butas sa kaliwang didbid (taas na bahagi) at isa sa kanang balikat.  Ito ang mga markang nakita ni Rey ng maabutan sa morgue ang 22 anyos nilang panganay na si Engr. Ray Londel Capati o “Gitcho”.

“Sa tindi ng tama niya…talagang ‘di siya bubuhayin,” wika ng ama.

Tubong Cavite si Rey. Taong 1969 ng mapadpad sila sa Olongapo dahil sa Hardware Business ng kanyang namayapang ama. Sa lugar na ito rin siya nakapagnegosyo ng ‘Buy & Sell’ ng mga relo at alahas.

Hiwalay sa unang asawa si Rey. Taong 1989 ng makilala niya si Bom at ng magkaroon ng relasyon. Binahay niya ito at nagkaroon sila ng anak, si Gitcho.

“Nang malaman ng asawa merong akong iba at nagkaanak. Sa sama ng loob pumunta siya sa America,” ayon kay Rey.  

Nasundan ang anak nila Rey taong 2002. Mula nun nagsama na sila sa iisang bahay sa Gapo. Walang naging problema sina Rey at Bom sa kanilang pagsasama. Napag-aral nila ng Civil Engineering si Gitcho sa Columbian College, Olongapo.

“Mahirap ang kurso niya may ilan siyang bagsak pero tinapos niya talaga ito saktong limang taon,” sabi ni Rey.

Marso 2012 ng gumraduate si Gitcho. Nobyembre kumuha siya ng licensure examination ng ‘civil engineer’ para makakuha siya ng lisensya.

Nakapasa siya. Oktubre 2012, agad siyang nagtrabaho sa JTO Construction bilang ‘contractor’.  Tatlong buwan ang tinagal niya rito.

Sa JC Salas Construction naman ang naging pangalawa niyang trabaho. Sa loob ng tatlong buwan hinawakan niya ang pagpapatayo ng isang branch ng Wendy’s at pagre- ‘renovate’ ng Harbor Point sa Subic.

Sa sipag ng anak nakakuha siya agad ng hulugang Hyundai Accent, 2013 Model at ito ang ginamit niyang pang-‘service’.

“Gusto ng anak ko ang trabaho dun kaso medyo malayo at magastos sa pamasahe. Nanghingi siya ng travel allowance pero ‘di siya pinagbigyan kaya naghanap na lang siya ng iba,” kwento ni Rey.

Habang naghahanap ng bagong mapapasukan, ilang kaibigan ang nagpagawa sa kanya hanggang  Agosto 2013 isang kakilala ang nagrekomenda sa kanya sa Casa Mia 2, isang subdibisyon sa Subic, Zambales. Pag-Ibig funded at meron daw 1.1M Contract Price.

Tanggap agad si Gitcho. Setyembre 2013, pinahawak na sa kanya ang isang unit. Ayon kay Rey, nagkaroon daw problema sa apat na units na dating hawak ng contractor na kinilala nilang si Willy Alegria.

Makalipas ang isang linggo, tinanong si Gitcho ng mag-asawang developer na sina Rene Luis at Ana Maria Shemayne Godinez kung kaya ba niyang pamahalaan ang apat na units na pinatigil daw mismo ng kontraktor na si Willy.

“Yes, kaya po!” mabilis na sagot daw ng anak.

Nagustuhan daw ng Godinez ang naging trabaho ni Gitcho. Bilang Contractor naging prangka rin ito sa pagbatikos ng mga sa tingin niya’y mali sa 4 na units na pinatutuloy sa kanya.

“Nasilip niyang may mga depekto ang gawa. Mali ang sukat ng halo ng graba at semento. Mali ang bakal, flooring at sub-standard,” sabi ni Rey.

Kinausap niya ang apat na foreman tungkol dito. Dalawa sa kanila ang sumunod. Dalawa naman ang sinabing, itatanong muna nila sa da­ting contractor.

Ilang araw makalipas bigla na lang inabot sa kanya ni Cesar Alegria, (kapatid daw ni Willy na dati umano nangangasiwa sa apat na units) ang cell phone nito at kinausap siya umano mismo ni Willy.

“Ang nakwento ng anak ko sa ‘kin. Kinausap daw siya ng dating kontraktor at sinabing, ‘Wag mo na ituloy yan! Itigil mo yan… magkakasubukan tayo,” ayon kay Rey.

Maganda naman daw ang naging sagot ni Gitcho, “Sir, wag po ako ang kausapin niyo. Trabahador lang ako. Sina Woodra (Godinez) ang kausapin niyo,” sabi daw ni Gitcho ayon kay Rey.

Tinuloy daw ng anak kanyang ginawa. Binayaran siya ng Godinez ng halagang Php5,000 kada linggo para rito.

Ika-17 ng Setyembre 2013, bandang alas 5:00 pasado ng hapon, oras ng pagdating ni Gitcho wala pa ito. Inakala ni Rey na dumaan pa siya sa kanyang ‘girlfriend’ na si “Sugar”. Bandang 6:00 PM nakatanggap  na lang ng tawag si Rey sa kapatid ni Bom na si Buchoy. “Si Gitcho… binaril sa Subic!” sabi nito. Mabilis na pumunta ng Subic si Rey kasama ang pamangking si Sherwin. Habang nasa biyahe isang babae ang tumawag kay Rey at sinabing dumiretso na sila sa Lourdes Hospital. Naabutan niyang nakaparada ang mobile ng pulis Subic.

Sa labas ng emergency room nag-aabang ang asawa niyang si Bom. Maya-maya… lumabas ang doktor, “Kayo po ba ang ama ng pas­yente…” sabi daw nito.

Sinubukang buhayin si Gitcho subalit sa tindi ng mga tama ng bala sa leeg, dibdib at balikat, ‘dead on arrival’ na ito.

Nanlumo si Rey sa sinapit ng anak. Isang araw makalipas, Setyembre 18, 2013 pumunta siya sa Subic Police Station. Nalaman niya mula sa isinagawang imbestigasyon ng pulis, habang binabaybay ni Gitcho ang National Road cor. Feria St. Brgy. Ilwas, Subic, Zambales lulan ng kanyang Hyundai Accent na may plakang MJ-4829, may isang motor na walang plaka na may angkas (riding- in-tandem) ng dumikit sa sasakyan. Mabilis na nagpaputok ng baril ang angkas.

“Natumba daw ang motor. Hindi na umandar kaya’t mabilis na umalis ang drayber. Ang angkas naman nagpaputok pa sa harapan at isa sa passenger seat…saka nanakbo papunta sa eskenita,” kwento ni Rey.

Nawalan ng kontrol ang sasakyan ni Gitcho. Nadagit nito ang isang pang motor sa unahan. Napahiga ang drayber. Nasaksihan niya ang buong pangyayari. Nagkatinginan sila nung ‘gunman’… dahan-dahang inangat ang baril at tinutok dito sa taong maaring tumestigo sa kanya. Nanigas ang kanyang katawan at hindi nakakilos sa kanyang kinaroroonan. Hinintay niya ang tunog ng putok ng baril…

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa MIYERKULES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  O tumawag sa 6387285 / 7104038.

 

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

BRVBAR

DAW

GITCHO

ISANG

NIYA

REY

SIYA

SUBIC

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with