Cabinet Usec tinutukan ng baril ng contractor
ALAM n’yo bang tinutukan ng baril ang isang Cabinet undersecretary?
Ayon sa aking bubwit, happy birthday muna kay Manila Prosecutor Jessie Bautista, Mayor Jeff Soriano ng Tuguegarao City, Bro. Dick Consolacion, Engr. Sonny Mondejar, Sgt. Danny Fernandez at Lindo Sy.
Alam n’yo bang sinugod ng isang contractor ang isang Cabinet undersecretary sa opisina nito at tinutukan ng baril.
Ayon sa aking bubwit, matindi ang galit ng contractor dahil niloko umano siya ni Undersectary sa isang government project. Pinangakuan kasi ni Undersecretary si Mr. Contractor na ibibigay sa kanya ang P750-million rehabilitation project ng Fabella Hospital sa Manila.
Dahil si Undersecretary ang chairman ng Bids and Award Committee (BAC) sa kanilang departmento, ipina-ngako nito sa contractor na ito ang mananalo sa bidding para makuha ang malaking kontrata.
Ayon sa aking bubwit, bilang kapalit sa nasabing kontrata, nagbigay si Mr. Contractor nang malaking cash at brand new white Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga ng P7-milyon kay Undersecretary.
Pero dahil “soloista†si Undersecretary, hindi binigyan ng share ang kanyang mga kasama sa BAC. Natalo sa bidding ang contractor.
Nagalit ang contractor. Noong Enero 20, 2014, sinugod niya si Undersecretary sa opisina nito at tinutukan ng baril. Binantaang papatayin kung hindi isosoli ang cash advance at Land Cruiser. Muntik daw maihi sa pantalon si Undersecretary dahil sa nerbiyos. Nangako naman siya na isosoli ang cash advance at Land Cruiser.
Ang Cabinet Usec na tinutukan ng baril ng contractor ay si Undersecretary T. as in Toyota.
- Latest