RPS
NOONG ako ay ambassador sa United Arab Emirates mula 1994 hanggang 1998, inilunsad ko ang programang Remit, Patronize and Sell (RPS). Hinimok ko ang mga OFWs sa UAE na mag-RPS alang-alang sa ating bansa at sa mga kapwa nating mga manggagawa sa Pilipinas. Nakiusap ako sa kanila na mag-Remit ng kanilang kinikitang dolyares thru authorized Philippine banking channels. Ayon sa mga ekonomista, money is the lifeblood of the economy. Bilang dugo, ito ay dapat tina-transfuse sa pangangatawan ng maysakit sa pamamagitan ng isang bote o dextrose na may plastic tube para pumapasok ang dugo na walang nawawaglit kahit isang patak.
Kung ang ginagamit ng OFWs na remittance channels ay foreign owned banks, may panganib na hindi lahat ng patak ng dugo ay papasok sa Pilipinas dahil siyempre ang ibang bank charges ay pupunta sa bansang may pag-aari ng banko. Hinimok ko rin ang OFWs na i-Patronize ang mga produktong gawa sa Pilipinas tulad ng Marikina shoes, sardinas, garments at iba pa. Kasi kapag ang tinatangkilik na produkto ay halimbawa gawa sa US, ang lumiligaya ay ang mga Amerikano sa halip na ang ating mga kababayan. Hinimok ko rin ang OFWs to Sell the Philippines as a tourist destination. Kung waitress ang OFW, o kasambahay, o nurse, magkuwento sila kung gaano kaganda ang Pilipinas at hikayatin ang kinukuwentuhan na bumisita sa ating bansa.
Ang bottomline ng lahat na ito ay kapag ang binibili ay Philippine products sa ibayong dagat; kapag may mga turistang bumibisita sa bansa; at kapag nagre-remit ng pera patungo sa Pilipinas thru Philippine banks, isang karagatang lifeblood ang pumapasok sa pangangatawan ng ating Inambayan. Kaya mga kasamang OFWs, mag-RPS po tayo. After all RPS also means Republic of the Philippines is Special. No more debate diyan ha?
- Latest