P-Noy, don’t ignore your critics naman
ANG New Year’s resolution ni Presidente Noynoy ay hindi na niya papansinin ang kanyang mga kritiko.
Naku, bad iyan sir. Iyan ang bagay na huwag mong gawin. Maaaring may mga kritikong malayo sa katotohanan ang mga batikos pero dapat ding pansinin kahit totoong ang mga iyan ay mga inuupahan para wasakin at ibagsak ka.
Pero naniniwala ako na mayroon din namang mga batikos na lehitimo at makatotohanan na dapat pagbatayan ng mga aksyong gagawin para maituwid ang pangangasiwa sa pamahalaan.
Kapag sinabi mo na “hindi ko na pupunahin ang mga kritiko ko†parang sumumpa ka rin na hindi na mananalamin. Mahirap iyan. Baka lumalantad ka sa publiko na may uling sa mukha o muta sa mata nang di mo nalalaman.
Halimbawa, kung may mga alegasyon ng katiwalian laban sa sino mang opisyal ng Pangulo, dapat magsiyasat kung totoo ang mga bintang sa halip na ipagtanggol ang opisyal na inaakusahan.
Klasikong halimbawa ang sumingaw na anomalya sa pagtatayo ng mga pansamantalang tirahan ng mga taga Leyte na umano’y mumurahing materyales ang ginamit. Mukhang may kumikbak kaya nangyari iyan.
Kahiyahiya tayo sa mga foreign donors na nagbigay ng salapi para sa reconstruction ng mga sinalantang lugar. Immediate action ang kailangan at dapat panagutin ang sino mang opisyal na dapat managot.
Sabi ng Pangulo, may mga taong kumikita ng pera sa pamamagitan ng pagbatikos sa kanya. Aba, di puwedeng hindi pansinin iyan. Kahit walang katotohanan ang batikos dapat pa ring kumibo ang binabatikos dahil kung hindi, matatatak sa isip ng tao na totoo ang mga ipinupuna sa kanya.
Sa posisyon ng Pangulo ngayon, hindi puwede ang balat-sibuyas. Harapin ang lahat ng mga panunuligsa totoo man o hindi. Pabulaanan ang mga kasinungalingan at aksyonan ang mga lehitimong batikos.
- Latest