EDITORYAL - ‘Bahay-bahayan’
KUNG mayroong mananalasang bagyo sa Ley- te at Samar ngayon (huwag naman sana) maaa-ring masira muli ang mga ginawang bunkhouses doon dahil hindi raw sumunod sa international standard — manipis na yero, dingding na plywood na ang kapal ay ¼ inch, nakasayad sa lupa at masyadong makipot ang espasyo. Siguradong mawawasak ang mga ito dahil mahina ang materyales. Kapag nawasak ang mga bunkhouses, parang nagtapon ng pera ang gobyerno. Parang ipinaanod lang ang pera. At tiyak na makikita muli nang buong mundo ang ginawang bunkhouses ng gobyerno na balewalang tinangay ng hangin at alon. Kakahiya sa mga foreign donor na agarang nagbigay ng tulong na pera at pagkain at magpahanggang ngayon marami pa rin nagpapadala ng tulong sa mga sinalanta ni Yolanda.
Sabi ni DPWH secretary Rogelio Singson na hindi overpriced ang mga bankhouses pero posible raw na hindi sumunod ang private contractor sa government specifications sa pagtatayo ng bunkhouses. Sabi ng isang architect na expert sa pagtatayo ng bunkhouses, masyado raw maliit ang ginawang shelter at mahinang klase ang mga materyales. Dapat daw 20 square meters ang laki ng bankhouses at may dalawa o tatlong kuwarto. Napakahirap daw tirhan ang mga ginawang bunkhouses lalo na kung maraming anak ang pamilya. Kung naipapagawa raw ng monumento ang isang namatay na bayani, mas lalo namang dapat igawa ng disenteng tirahan ang mga biktima ng kalamidad.
Lalong naging kontrobersiya ang bunkhouses nang sumingaw ang isyu na may sabwatan ang contractor at isang pulitiko para raw makapagbulsa ng kickback. Kakahiya ito kung may katotohanan. Habang marami ang handang tumulong para makabangon ang mga biktima ng Bagyong Yolanda, eto at may lumulutang na katiwalian. Dapat maimbestigahan ang isyung ito. Ang lalong kawawa rito ay ang mga biktima ng bagyo na hanggang ngayon ay nagdurusa at naghihimutok dahil nawalan na sila ng mahal sa buhay ay wala pa ring pagkukunan ng ikabubuhay. Sobra na pati ang kanilang dapat tirahan ay gustong pagkaperahan.
- Latest